NAKAKITA na ang Malakanyang ng barometro o senyales na bumabangon na ang ekonomiya ng bansa.
Ito’y matapos manguna ang Pilipinas sa iba pang bansa sa Asya sa aspeto ng pag-e-export nitong Abril.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, gamit ang datos ng Philippine Statistics Authority na tumaas ang export ng bansa sa buwan ng Abril na umabot sa 72.1 percent.
Mula sa 3.32 billion dollars noong Abril ng nakaraang taon ay umakyat ito ng 5.71 billion dollars ngayong April 2021.
Malinaw aniya na nalampasan na ng Pilipinas ang Japan na nakapagtala ng 38% sa exports habang 32.3% naman ang nai-record ng China.
“Samantala, magandang balita naman po, tumaas ang ating exports noong buwan ng Abril by 72.1% ayon po sa datos ng Philippine Statistics Authority,” ayon kay Sec. Roque.
“Ito ang pinakamataas sa mga ekonomiya sa Asya, nalampasan natin ang 38% ng Hapon at 32.3% ng bansang Tsina. Mula US, 3.32 billion noong April 2020, ito’y naging 5.71% billion ngayong April 2021. Ito ay matapos pinayagan natin ang one hundred percent operating capacity kahit na tayo ay nasa Enhanced Community Quarantine; hudyat ito ng pagbangon ng ating ekonomiya,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
