DUMULOG sa aming programa sa radio DWDD-Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (UP UP Pilipinas) kasama ni Brigadier General Gerry Zamudio (PAF), ang 29 na mangingisda na kasalukuyang nagpapalutang-lutang sa laot sa karagatan ng Dongshan sa bansang China.
Ang 29 na mangingisda ay kinabibilangan nina Bryan Joseph Dela Peña, Raxam Baguna, Nante Maglangit, Ronald Ronquillo, Rogelio Gerona Jr., Israel Candelario, Axlmiguel Pineda Amigo, Josephadrian Burce, Ronald Fernando, Marnil Salva, Terry Madla, Leo Rome Magarzo, Angelo Bernardino, Sherwin Calilan, Rolly Elopre, Albert Rombaoa, Jonathan Bauit, Jovanie Barroca, Robert Araño, Paolo Laguinay, Marvin Costales, Kenneth Barce, Jose Marie Pojas, Julius Salo, Eduard Dompit, Ronald Cobico, Romeo Ferrer, Felino Dumayas Lucas Jr., at Jarnel Tucay Gamoz.
Ayon sa kanilang salaysay sa aming panayam sa pamamagitan ng zoom video ay nag-apply sila sa ahensyang Global Marine and Offshore Resources Inc. Dumaan
sila sa tamang proseso sa POEA kung kaya sila ay may mga pinanghahawakan na Overseas Employment Certificate (OEC). Ngunit ilan sa kanila ay nagsusumbong na hindi man lamang nila nahawakan ang kanilang kontrata at iba pang dokumento. Natapos na ang kanilang paglalayag, kung kaya dapat na sila ay makadaong at makauwi sa Pilipinas.
Ngunit ang kapitan ng barko na isang Tsino ay ayaw raw idaong ang kanilang barko hangga’t hindi nababayaran ang kanyang sweldo. Sabi nga ng mga OFW na mga mangingisda, mistula silang hostage ng kanilang kapitan para lang makuha nito ang sweldo sa kumpanya.
Dahil dito ay tatlong buwan na silang nasa laot at hindi makauwi sa Pilipinas. Sa loob ng tatlong buwan ay pilit silang inilalayo ng kapitan ng barko sa gitna ng karagatan upang hindi makakuha ng signal ng telepono. Katunayan ay dinala sila sa gitna ng laot na sakop ng Maldives, Thailand, Singapore, Malaysia, Vietnam, Haynan at ngayon ay nasa Dongshan.
Sumbong pa nila, hindi sila nabibigyan ng tamang supplies ng pagkain kahit ilang beses na silang nakikiusap sa kanilang ahensya. Nag-aalala na sila sa kanilang kalusugan dahil nauubos na ang kanilang iniinum na tubig at kamakailan nga diumano ay tubig alat na ang naihahalo nila sa fresh water na iniinom nila pala lamang tumagal ang kanilang supplies.
Ipinaghihimutok din nila na siyam na buwan nang hindi nakatatanggap ng pera ang kanilang pamilya na nasa Pilipinas.
Sa kalagitnaan ng aming programa ay nagkaroon ako ng pagkakataon na matawagan sa telepono ang may-ari ng ahensya at ang legal adviser na sina Marlon at
Marianne Dadale at siniguro naman ng mga ito na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine Consulate sa China.
Patuloy na tutukan ng AKOOFW at ng UP UP Pilipinas ang sitwasyon ng ating mga OFW na mangingisda na nasa gitna ng laot sa karagatan ng Dongshan, China.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
194 