Pinoy lugmok na sa pandemya TAAS-PRESYO NG MGA BILIHIN INAWAT NI MARCOS

UMAPELA si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa pamahalaan na ipagpaliban ang nakatakdang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng umiiral na pandemya sa COVID-19.

Nababahala ang dating senador na lalong maglulugmok sa kahirapan ng mga ordinaryong mamamayan ang pagpapataw ng dagdag na presyo sa mga bilihin.

“I am appealing to the DTI to suspend the price increases in these basic goods since we are still in a pandemic. Marami po ang nawalan ng trabaho at ang ilan pa nga ay talagang hirap makapaghanapbuhay dahil sa lockdowns,” panawagan ni Marcos.

Nauna rito, inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paggalaw sa presyo ng 76 produkto.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, mula bente sentimos hanggang piso ang absolute minimum na pinayagan ng gobyerno na maitaas sa presyo ng mga produktong ito.

Kabilang dito ang noodles, kape, gatas, condiments, gayundin ang non-food items tulad ng sabong panlaba at iba pa.

“Siguro para sa iba ay wala ito masyadong epekto, pero sa isang tao o pamilyang naghihikahos ngayon, malaking adjustment sa budget ang idudulot nito. Mas kokonti lalo ang mabibili nila. Wala naman sigurong mababangkaroteng kumpanya kung sususpendihin muna natin ang price increases sa mga produktong ito,” pahayag pa ni Marcos.

Sa ulat, kabilang sa mga karaniwang pagkain ng masa na magkakaroon ng bagong SRP o suggested retail price ang kape, P0.50; condensed milk na tataas ng P0.50 to P1.25; habang ang powdered milk ay aabot sa P0.50 to P1.35 ang pagtaas.

Apektado rin maging ang mga panimpla gaya ng iodized salt na madaragdagan ng P1.40 to P2.25 at suka, P0.50. Ang sabong panlaba naman ay madaragdagan ng piso.

Wala namang paggalaw sa presyo ng tinapay, bottled water, candies, toilet soap, at batteries.

Depensa ng DTI, hindi gumalaw ang presyo ng mga naturang produkto mula pa noong 2019.

167

Related posts

Leave a Comment