KINALAMPAG ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tugunan kaagad ang tumataas na bilang ng nawawalan ng trabaho sa mga Filipino sa harap ng pahayag ng Malacañang na sinisipat nito ang panukala na payagan ang dayuhan na magtrabaho sa flagship projects sa bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na dapat Filipino muna ang bigyan ng trabaho kaysa dayuhan dahil patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga manggagawa na nawawalan ng trabaho.
“Hire Filipinos first,” ani Hontiveros. “Milyun-milyong [mga] Pilipino ang nawalan ng kabuhayan at nagugutom sa ngayon. Daan-daang libong [mga] overseas Filipino workers (OFWs) din ang babalik sa bansa nang walang trabaho.
Unahin natin sila,” hirit niya.
Sa ngayon, umabot na sa 7.3 milyong manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay sanhi ng lockdown sa corona virus 2019 (COVID-19) at aabot mula 300,000 hanggang 400,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang nawalan ng trabaho sa abroad partikular ang mga marino.
Sinabi ni Hontiveros na dapat magsagawa ng survey ang pamahalaan sa mga Filipino hinggil sa kanilang skills at i- match ito sa kasalukuyan at hinaharap na flagship projects.
“Kailangan ng solusyon sa kawalan ng trabaho. We need to match skills to available and future jobs. The government has to step in as one of our major employers through its flagship projects while we are in crisis,” paliwanag ng senador.
Kasabay nito, hiniling din ni Hontiveros sa National Economic and Development Authority (NEDA) at economic cluster ng Gabinete na “madaliin ang pagsasama-sama ng isang masterplan na lilikha ng trabaho at bagong pamuhunan upang mapalitan kaagad ang mga nawala. ESTONG REYES
