PIO BINARIL NG PINAGALITANG SECURITY ESCORT, PATAY

PINAGBABARIL ang 40-anyos na Public Information Office officer ng mismong security escort niya sa Zamboanga Del Sur, nitong Huwebes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Jeesrel Himang, residente ng Barangay Kawit, Pagadian City.

Ayon kay PRO-9 spokesperson PMaj. Shellamie Chang, nag-inuman ang biktima at kanyang security escort na si Reymond Antifuelo Lopeciillo sa isang beach resort sa Barangay Ambulon, Vincenzo Sagun.

Dito na umano napagalitan ng biktima ang suspek dahil hindi agad napaandar ang sasakyan.

Nagtungo muna ang biktima sa banyo at pagbalik ay doon na sya pinagbabaril ng kanyang escort gamit ang 45 caliber pistol.

Isinugod pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa ilong, dalawa sa tiyan at isa sa kanang kamay.

Nadamay naman sa pamamaril ang 24-anyos na estudyante na kakilala ng biktima at kasalukuyan nang nagpapagaling sa ospital.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Vincenzo Sagun ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso.

(TOTO NABAJA)

16

Related posts

Leave a Comment