MAJORITY ng mga deboto ng Black Nazarene ay tumalima sa ipinatutupad na health protocols ng IATF at sumunod sa physical distancing sa panahong ginugunita ang kapistahan ng patron noong umaga ng Sabado hanggang Linggo ng umaga, ayon sa PNP-National Capital Region Police Office.
Ayon kay NCRPO P/Lt. Col Jenny Tecson, tinatayang aabot sa 400,000 devotees ang nagtipon-tipon at nagpalit-palit sa paligid ng Quiapo Church mula noong Biyernes hanggang Sabado.
“Generally, as a whole, masasabi naman po nating nasunod naman po ang minimum health standard protocols. But may areas po na minimal po na medyo nakalimot, but somehow na-remind naman po sila. Generally po, naging peaceful ang ating selebrasyon,” ani Col. Tecson.
“Sa side po ng PNP at saka organizers, talaga naman pong nagtulong-tulong sila d’yan.”
Nabatid na maging ang DOH ay nakatutok sa mga kaganapan at nag-uulat kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso hinggil sa alleged crowding sa palibot ng simbahan na sinakyan ng ilang pulitiko na umano’y nagsusulong ng kanilang political interes na ikinasama ng loob ng alkalde.
“Dun sa mga pulitikong tolongges, manahimik kayo. ‘Wag n’yong bastusin ‘yung pananalig ng tao. Una, wala na nga kayong nagawang matino sa taumbayan kumakapit na lang ang mga tao sa panalangin… maraming pulitiko diyan ginagahasa ang Maynila para paburan ‘yung pulitika nila at magsabi ng pananakot sa mga tao,” ani Moreno.
“Pulitika pa more. Atat kayo ha? Pag nalaman namin kung sino kandidato n’yong presidente, peperwisyuhin din namin kayo sa Maynila… Nasaan po ‘yung 400 thousand (na umanoy nagtitipon-tipon nang sabay sabay sa paligid ng simbahan) na sinasabi ng mga report?”
‘Yung mga bayaran, nasaan?” ayon kay Moreno habang kasabay na ini-ere nang ‘live’ sa social media ang ‘real time’ na kaganapan sa Quiapo Church at paligid nito via closed-circuit television footages na nagpapakita ng mga disiplinadong deboto habang hinihintay ang kanilang pagkakataon na masilip ang imahe ng Black Nazarene sa balkonahe ng Minor Basilica or Quiapo Church.
“Grabe ang sakripisyo ng mga taga-Maynila. ‘Yung debosyon nila, ‘yung inawat naming,.. tandaan n’yo, kultura, tradisyon namin… mga tao namin, resources. Eto (CCTV footages) ‘di pwede magsinungaling kasi ‘live,’ kaya mamaya makikita n’yo sa news, magulo. Kasi ‘pag maayos, ‘di balita. Dapat ibalita ‘yan kasi ‘di pa ko pinanganganak, pag piyesta ng Quiapo, punong-puno ng tao ang buong Maynila. Eto maganda, ‘di picture, ‘di mae-edit,” ani Moreno sa isinagawang ‘live airing in real time’.
“I’m so proud sa mga taga-Maynila kasi nakikiisa kayo sa panawagan ng pamahalaan. Kilala natin mga deboto very passionate ‘yan pero kinikilala nila panganib, nakikinig sila sa panawagan ng pamahalaan. Nung araw ganitong oras puno ‘yan… ang tanging magpapatunay niyan ay mga taga-Maynila. ‘Yung mga ‘di taga-Maynila, ‘yun yung ‘mema’… Hindi siya perpekto, maliwanag na may gobyerno, may sistema at may kusang disiplina ang mga tao. ‘Yung nangangarap ng perpekto, wagas kayo… walang perpekto sa buhay. Diyos lang ang perpekto,” ayon sa alkalde.
Dahil dito, pinasalamatan ni Moreno sina Metro Manila Development Authority officer-in-charge Bong Nebrija, Manila Police District chief Gen. Leo Francisco, PNP chief Debold Sinas at NCRPO Director Vic Danao, Jr. at mga kasamahang opisyal ng Maynila sa pangunguna nina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennis Viaje, Department of Public Services head Kenneth Amurao, Assistant Secretary to the Mayor Letlet Zarcal, City engineer Armand Andres, at Manila Disaster Risk Reduction Management Office head Arnel Angeles.
Marami pa rin sa social media ang bumatikos kung bakit daw itinuloy pa rin ang Traslacion sa gitna ng pandemya. May mga nagsasabing mass gathering pa rin ang nangyari at dapat naging online na lang muna lahat.
Sa huling misa ng Traslacion noong Sabado ng gabi, sinabi ng rector ng Quiapo Church na si Msgr. Hernando Coronel na hindi talaga maiiwasan ang mga tao na pumunta mismo sa simbahan.
Aniya, ang mga deboto ay mas lumalapit sa Diyos lalo na ngayong panahon na marami ang problema.
Matagumpay at generally peaceful ang isinagawang Traslacion 2021 ng Itim na Nazareno sa ilalim ng “new normal” at nagtapos ito sa isang misa noong Sabado ng gabi sa kabila ng pagbuhos ng mga deboto sa Quiapo church.
Ito ang naging assessment ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director, Brigadier General Vicente Danao Jr. (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)
181
