BISTADOR ni RUDY SIM
“TATLONG milyong piso” para sa pansamantalang kalayaan ng isang Chinese national? Ito ang usap-usapan ngayon na kumakalat sa loob ng piitan ng warden facility ng Bureau of Immigration kung saan nakakulong ang iba’t ibang dayuhang may kinahaharap na iba’t ibang kaso.
Ayon sa nakarating sa atin na tsismis sa loob ng piitan, naging kagulat-gulat ang halaga na ibinayad umano ng isang nagngangalang WANG WENJING. Nang ito ay magkwento sa kanyang kasamahan inmates para ito makalaya sa pamamagitan ng bail o piyansa, ay nagbayad umano ito ng tatlong milyong piso sa isang mataas na opisyal ng BI. Ito kayang opisyal na ito ay ‘yung matanda na kapal muks na nagtungo sa kulungan kamakailan o nasa paligid lamang ni Kume? Dess is it!
Si Wang Wenjing, isang Chinese national na isinilang noong September 22, 1986, ay nahuli ng mga ahente ng intelligence division noong December 9, 2024, kasama ang dalawa pang sina OH KWONJAE at KIM YOUNGSOOK sa Gaisano Mall sa Cagayan De Oro City. Ang mga ito ay nahuli sa aktong nagtatrabaho nang walang kaukulang permit at walang naipakitang dokumento na legal ang paninirahan sa bansa.
Kinasuhan ang mga ito bilang undocumented aliens at nito lamang January 14 ay lumiham si Wang na siya ay payagan na makapagpiyansa at sa napakabilis na aksyon ng isang special prosecutor ng BI legal division na si Atty. Raymond Ganias, ay agad na naglabas ng order noong January 17 na pabor kay Wang at napirmahan naman ni Commissioner Joel Viado noong January 20. Uy! Si Suki! Hindi ba nagpa-Aristocrat ulit itong si Kume sa mga taga legal?
Hmm… may kompanya ba itong si Wang at bakit siya lang ang nag-bail at hindi kasama ang dalawa nitong kasabayan na nahuli? Sino kaya ang mataas na opisyal ng BI na pinamadaling gawin ang bail order? May nag-utos ba sa ‘yo, Atty. Ganias, Sir? Teka! Hindi ba’t itong si Ganias din ang nakapirma sa libreng piyansa noong nakaraang November 7 sa 21 illegal POGO workers na hinuli ng PAOCC noong October 31, 2024 sa Bagac, Bataan? Kabilang sa 41 POGO workers ang 22 Malaysians, 2 Chinese, 1 Pakistani, 2 Vietnamese, 6 Bangladeshi, 1 Indonesian, 1 Thai, at 1 Brazilian.
Ano na ba ang nangyari sa deportation ng mga ito, na kahit inutos na ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hulihin at i-deport ang 41 ngunit hanggang ngayon ay tila dedma itong si Kume Vayad-O?
Bakit simula nang pumutok ang kaso ng fake citizenship ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ay naging mainit na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan partikular ang BI, sa mga Chinese? Anong meron sa mga Chinese, dahil ba madali silang umareglo?
Anyare kay DOJ Secretary Boying Remulla, at tahimik ka ngayon, Sir, sa korupsyon na nangyayari sa BI na nasa ilalim ng iyong kapangyarihan? Nauso na naman ba kaya ang TARA at sino ang tumatanggap at may pahintulot?
Ganito kabilis umaksyon ang BI sa mga dayuhang nagpiyansa para sa kanilang kalayaan mula sa mala-impyernong kulungan ng ahensya sa Bicutan, ngunit kung ikaw ay pobreng dayuhan ay kawawa ka kagaya na lamang ng isang matandang dayuhan na si “KARIM” na mahigit 10 years na sa kulungan, at may asawang Pinay, ngunit hindi pinansin at natabunan ang kanyang petition for bail hanggang namatay na lang ito sa loob ng piitan na itinago sa publiko ng BI.
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text lamang ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
8