(NI AMIHAN SABILLO)
OPTIMISTIKO si PNP Chief PGen Oscar Albayalde na malilinis ang imahe ng Philippine National Police (PNP)sa kontrobersya sa pagrerecycle ng droga ng ilang mga tiwaling pulis.
Ayon kay Albayalde, sa tamang panahon, ang lahat ay magiging klaro base sa mga dokumentadong ebidensya at hindi Lang sa ‘insinuations’.
Ginawa ng chief PNP ang pahayag matapos makausap ang Pangulong Duterte, at maibigay ang sariling listahan ng PNP ng mga tinaguriang ‘ninja cops’.
Kinumpirma rin ni Albayalde na hawak na rin ng Pangulo ang listahan ng mga ‘ninja cops’ na nanggaling sa Senado at sinabing ang Pangulo na ang magdedesisyon kung isasapubliko ito.
Giit ni Albayalde, matagal nang nalansag ang mga sindikato sa loob ng PNP na nagrerecycle ng droga, at sa halip ay iilan-ilan nalang ang mga tiwaling pulis na gumagawa nito para sa kanilang sarili.
Nag-ugat ang kontrobersya sa mga ‘insinuation’ na isang mataas na opisyal ng PNP ang umano’y protektor ng mga ninja cops, base umano sa impormasyong nakuha ng mga senador sa mga ‘resource persons’ sa isang executive session.
POSIBLENG TERM EXTENSION, TINAWANAN LANG NG PNP CHIEF
Napangiti lang si PNP Chief plkung napag-usapan nila ng Pangulong Duterte ang possibleng pagpapalawig ng kanyang termino bilang PNP Chief.
Makaraang iulat ni Albayalde na nagkausap na sila ng Pangulo ukol sa kontrobersya ng ‘ninja cops’ sa PNP.
Matatandaan na nadawit si Albayalde sa kontrobersya nang lumutang ang mga ‘insinuation’ na isang 4 star general ang umano’y protektor ng ninja cops.
Una nang sinabi ni Albayalde na nagpaliwanag na siya sa isyu kahit hindi siya direktang pinangalanan dahil Wala naman nang ibang aktibong 4-star General kundi siya.
Sinabi pa ni Albayalde na hindi naman umano sikreto ang pagkakarelieve niya sa pwesto bilang Pampanga Provincial Director noong 2014 dahil sa command responsibility matapos masangkot sa recycling ng droga ang ilan niyang mga tauhan, na kinalaunan ay napawalang sala din naman.
Inihayag pa ni Albayalde na tila na recycle rin lang ang isyu dahil sa internal politics ng PNP, matapos lumutang ang ispekulasyon sa kanyang possibleng term extension.
Sa huli, sinabi ng Ama ng pulisya na hindi nila napag-usapan ng Pangulo ang term extension o panibagong appointment, at ang bilin lang ng Pangulo ay ituloy ang war on drugs.
