(NELSON S. BADILLA)
PUTOK pa rin ang balitang tinitiktikan ng mga ahente ng pamahalaan ang mga organisador ng community pantries sa National Capital Region (NCR) kahit tahasang itinanggi ng pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ipinag-utos niya ang nasabing aksyon ng mga pulis.
Sa paghuhugas-kamay, idiniin ni Major General Vicente Danao Jr. na hindi siya laban sa community pantries.
Kahit ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ay walang hakbang na kontra community pantries.
Katunayan, tiniyak ni General Debold Sinas sa media na pinaiimbestigahan na niya ang nasabing pagkabahala ng organizers ng community pantries na nagsulputan na sa iba’t ibang parte ng bansa.
Nauna nang inamin ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na nagsasagawa ng “profiling” ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga pasimuno ng community pantries upang malaman kung ‘pinasok’ at ‘ginagamit’ na ang mga ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng kanyang prenteng organisasyon upang makakalap ng pondo para sa communist terrorist group (CTG).
Ani Parlade, hangad lang ng AFP na hindi magamit ng CPP ang boluntarismo ng mamamayan upang makakolekta sila ng dolyares sa mga organisasyon sa iba’t ibang bansa.
Ani Parlade, matagal nang praktis ng mga kadre ng CPP na gumamit ng mga legal na proyekto upang makumbinsi ang maraming negosyante at aktibista sa ibang bansa na magbigay ng pera sa kanila.
Ang layunin ng community pantry ay malayang kumuha ng makakain o magagamit sa pagluluto, ang mahihirap na mamamayan mula sa tulong ng mga taong mayroong kakayahang makapagbigay kahit kaunting tulong ngayong panahong matindi pa rin ang suliranin ng bansa sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).
You can’t kill
kindness – solon
Samantala, walang anomang uri ng pananakot at pagsabotahe ang makapipigil sa kabutihan ng mga tao na tumulong sa mga nagugutom tulad ng nagsulputang community pantries.
Ito ang mensahe ni Deputy Speaker Loren Legarda sa grupong nagsagawa ng red-tagging at profiling sa mga organizer ng community pantry tulad ni Ana Patricia Non na nasa likod ng Maginhawa pantry.
“The lesson which we are glad all those attempting to mess with this outpouring of goodwill is this: You can’t kill kindness,” pahayag ni Legarda matapos palagan ng taumbayan ang profiling na ginawa ng mga pulis sa mga nagtataguyod ng community pantries at pagre-redtag sa mga ito ng ilang grupo.
Dahil dito, pinayuhan ng mambabatas ang mga nasa likod ng paninira at pananakot sa mga community pantry organizer na suportahan na lamang nila ang ganitong uri ng pagtulong lalo na sa mga nagugutom ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi ng mambabatas na walang sibilisadong bansa na papayagang magutom ang mga tao at ipinaalala sa mga grupong kinukulayan ng pulitika ang mga community pantry na hindi lamang gobyerno ang puwedeng tumulong sa kanyang mamamayan kundi ang mga tao mismo.
Hindi na nagbanggit si Legarda kung anong grupo ay pinasasaringan nito subalit kung ang mga militanteng mambabatas ang tatanungin ay ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NFT-ELCAC) ang nasabing likod ng pananakot sa community pantries organizers.
“Wala nang alam gawin ang pulis at ang NTF-ELCAC kundi manakot at mandahas ng mga kababayang naglalayong tumulong sa kapwa na nahihirapan dahil sa madahas at militaristang solusyon ng administrasyong Duterte sa pandemya,” ani ACT party-list Rep. France Castro.
Ganito rin paniniwala ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya dapat umanong mahiya ang mga alagad na batas na nananakot dahil hadlang ang mga ito para malamanan ang sikmura ng mga nagugutom.
Kasabay nito, isinulong ng grupo nina Brosas at Castro na paimbestigahan sa House committee on human rights ang panghaharass at pagpo-profile ng mga pulis sa mga organizer ng community pantries.
Kinondena
Kinondena rin ng College Editor’s Guild of the Philippines (CEGP) ang NTF-ELCAC at PNP sa umano’y red-tagging nila sa community pantries.
Ayon sa grupo, hindi nakabubuting haluan ng pulitika ang ginagawa ng mga tao na makatulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng makakain na tinawag nilang community pantries.
Nauna rito, napilitang itigil ni Patricia Non ang kanyang community pantry sa Maginhawa St., Quezon City matapos pagdudahan na ang nasa likod ng kanyang pagtulong ay makakaliwang grupo o NPA.
Dahil dito, nanawagan ang CEGP sa mga mambabatas na magpasa ng batas na magpaparusa sa red-tagging at ibasura ang Anti-Terror law na hindi naman anila nakatutulong sa pagresolba ng terorismo sa bansa. (BERNARD TAGUINOD/JOEL O. AMONGO)
