SINIBAK sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar ang Director ng PNP Academy kaugnay ng umano’y isinagawang hazing na ikinamatay ng isang kadete sa loob mismo ng nasabing pasilidad.
Kasabay ng pagsibak sa pwestong si PNPA director kay Major General Rhoderick Armamento, hinirang naman si Major General Alex Sampaga bilang kahalili sa bakanteng liderato. Pansamantalang pinagre-report si Armamento sa PNP Directorate for Information and Communication Technology sa Kampo Crame sa Quezon City.
“As part of the review of rules and regulations and academic policies and aggressive reforms I ordered for the Academy, I already approved the designation of Police Major General Alex Sampaga as the new Director, PNPA effective 29 September 2021. His current position as Director, DICTM will be taken over by Police Major General Rhoderick Armamento,” ani Eleazar.
Una nang naiulat na namatay sa hazing ang 21-anyos na si Cadet 3rd Class George Karl Magsayo ng Pagadian City nito lamang nakaraang Huwebes matapos umanong sikmuraan ng limang ulit ng kanyang upperclassman.
Sa nakalap na salaysay mula sa ilang testigo, isang Cadet 2nd Class Caesar Steve Maingat ang sumuntok kay Magsayo ng limang ulit sa loob ng silid matapos ang kanilang pagtatalo.
Kasalukuyang nakapiit si Maingat na nahaharap sa asuntong paglabag ng RA 8049 (Anti-Hazing Law) habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente. (JESSE KABEL)
