‘POINTMAN’ NG PASTILLAS GANG SA OMBUDSMAN, INIIMBESTIGAHAN NG NBI

KINUMPIRMA ng National Bureau of Investigation (NBI) na iniimbestigahan na nila ang sinasabing “pointman” ng Pastillas Gang sa Office of the Ombudsman.

Ayon sa NBI, ‘natisod’ nila ang impormasyon habang “muling” pinalalim at pinalawak ang imbestigasyon sa korapsyon ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang Pastillas Gang ay pangkat ng ilang mga opisyal at kawani ng BI na nakadestino sa NAIA na nangingikil ng P5,000 pataas sa mga Intsik upang makapasok sa bansa, sa pamamagitan ng NAIA, kahit wala, o kulang, ang kanilang mga dokumento.

Ang P5,000 ay ibinabalot sa isang maliit na papel na nagiging pastillas ang itsura bago ihatag sa tiwaling tauhan ng BI-NAIA.

Ang pahayag ng NBI ay pagkumpirma sa isiniwalat ni Immigration Officer II Jeffrey Dale Ignacio sa pagdinig sa Senado nitong Oktubre 6 tungkol sa pointman ng Pastillas Gang sa Office of the Ombudsman.

Sabi ni Ignacio, si dating BI deputy commissioner Red Marc Mariñas ang nagsabi sa kanya ng pointman ng gang sa nasabing ahensya.

Itinuro rin ni Ignacio na si Mariñas ang isa sa mga pinuno ng Pastillas Gang. Dati nang itinanggi ni Marinas ang paratang.

Ayon sa NBI, patuloy nilang iniimbestigahan ang kaso upang malaman kung mayroong matibay at malakas na ebidensiya laban sa mga opisyal ng BI na pinaniniwalaang mga pinuno ng grupo. (NELSON S. BADILLA)

95

Related posts

Leave a Comment