Taong 2007, ay nakausap ko ang dating Ambassador sa Kuwait na si Amb. Ricardo Endaya. Bilang pinuno o chairman ng Filipino Badminton Committee sa Kuwait ay personal kong ipinarating sa kanya ang bawat kahilingan ng kapwa ko OFWs sa Kuwait.
Noon ay halos mapuno ang OWWA shelter sa Jabriya dahil sa rami ng distressed OFWs. Kaya aking personal na ipinarating sa kanya ang pagkabahala kaya isa sa aking mungkahi ay ang pagkakaroon ng DSWD Attaché na may kasanayan sa pagbibigay ng counselling at emotional debriefing upang matulungan ang mga biktima ng pang-aabuso na malampasan ang kanilang pinagdaanan na trauma.
Sinang-ayunan ito ni Ambassador Endaya at nangako na ipaparating ito sa Department of Foreign Affairs (DFA)-Manila. Matapos ang termino ni Amb. Endaya ay nagkaroon ng DSWD Attachè na naging napakahalaga sa pangangasiwa sa pagbibigay ng emotional debriefing, pag-aasikaso sa mga sanggol o mga bata na bunga ng ilegal na pagsasama.
Sa pagkakataong ito, bilang pinuno ng Ako OFW ay aking ipapanawagan sa pamunuan ng DFA at sa Philippine National Police na magtalaga ng Police Attaché sa embahada ng Pilipinas sa bansang Kuwait.
Layunin ng kahilingan na ito ang matulungan ang mga tauhan ng Assistance to National Unit upang maging epektibo ang paghawak ng mga kaso at koordinasyon sa Kuwait Police lalo na sa mga kasong may kinalaman sa mga pang-aabuso at pagkamatay ng OFW sa bansang Kuwait.
Magiging tungkulin ng Police Attaché na lalong pagandahin ang ugnayan ng pulisya ng Kuwait at ng Pilipinas upang maging mabilis ang proseso at pag-rescue ng mga OFW na humihingi ng tulong. Gayundin, na dapat na maging tungkulin ng itatalagang Police Attachè na subaybayan ang mga imbestigasyon sa bawat kaso na isasampa ng OFW na biktima ng pang-aabuso. Higit sa lahat, mapagbuti ang relasyon ng PNP at Kuwait CIDG para patas ang bawat imbestigasyon lalo sa tamang awtopsya sa OFWs.
Lubhang nakakabahala na ang sunud-sunod na pangyayaring pagkamatay at pang-aabuso sa ating mga kabayani sa Kuwait. Ang kaso nga ni Joanna Demapilis ay hindi pa rin nabibigyan ng tunay na hustisya ay nasundan na naman ng pagkamatay ni Connie Dayag at ang pinakahuli ay ang panggagahasa ng isang airport police sa isang bagong salta na DH. (Ako OFW /DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
