KINALAMPAG ni Senador Joel Villanueva ang Department of Labor and Employment (DOLE) para linawin ang polisiyang ipinatutupad sa overseas Filipino workers (OFWs).
Ito ang sinabi ni Villanueva kasunod ng ulat na pagpigil ng Bureau of Immigration (BI) sa 7 Filipino nurses na patungo sana sa United Kingdom.
Nanawagan si Villanueva sa mga awtoridad, partikular ang DOLE Z na agad ayusin ang hindi pagkakaintindihan upang walang ibang manggagawa ang magdusa sa kaguluhang dulot ng maling interpretasyon ng mga patakaran ng gobyerno.
“Malinaw po sa kasalukuyang polisiya na maaaring umalis ang mga healthcare workers na may kontratang pinagtibay bago ang cut-off na March 8. Hindi na po kasama sa usapan kung kailan nabigyan ng visa ang ating manggagawa,” ani Villanueva.
“Mali po ang interpretasyon ng BI sa umiiral na deployment ban, at patunay dito ang memo na kanilang pinalabas noon Aug. 20 na nagsasaad na bawal umalis ng bansa ang mga healthcare worker na binigyan ng visa matapos ang March 8,” paliwanag pa nito.
Ayon pa kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee, dapat na bawiin na ng pamahalaan ang deployment ban sa mga healthcare worker. (NOEL ABUEL)
