POLITICAL DYNASTIES PINATATAG NG ‘PORK’, AYUDA NG MGA POLITIKO

PORK barrel, budget insertions at ayuda mula sa buwis ng taumbayan na ipinamimigay ng mga politiko sa kanilang mga nasasakupan ang siyang nagpapatatag sa mga political dynasty sa Pilipinas.

Sa privilege speech ni Caloocan City Rep. Edgar Erice, kinastigo nito ang Mababang Kapulungan dahil sila mismo aniya ang dahilan kung bakit nasusunog na ngayon ang kapulungan.

“Yes, Mr. Speaker — this House is on fire! At ang masakit na katotohanan: tayo mismo ang nagsindi ng apoy na ito. Noong mga nakaraang Kongreso, may mga apoy na. Ngunit sa 19th Congress, sadyang pinasiklab ang dambuhalang sunog. At ngayon, naglalagablab na rin ang galit ng sambayanan — lalo na ng kabataan,” mariing pahayag ni Erice.

Giit ng kongresista, hindi pa rin tumutupad ang mga mambabatas sa utos ng Saligang Batas ng 1987 na magpasa ng anti-political dynasty law, kaya’t patuloy ang paghahari ng iilang pamilya sa pulitika.

Hamon pa niya sa mga lider ng bansa — mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Vice President Sara Duterte, hanggang sa mga senador at kongresista — na kung tunay silang nais ng reporma, ay ipatupad ang batas laban sa political dynasties.

“Isinasantabi natin ang tungkulin at responsibilidad na magpasa ng enabling law na inuutos ng Konstitusyon sapagkat ito ay laban sa ating interes,” ani Erice, na nagsabing 70% ng mga kongresista ay mula sa mga political dynasty.

“Dynasties na pinatatag ng pork barrel. Dynasties na pinatatag ng dole-outs. Dynasties na patronage. Dynasties na pinatatag ng insertions. Dynasties na nagpapalubha ng korapsyon at sumasaisantabi sa mabuting pamamahala,” dagdag pa niya.

Hinimok din ni Erice si Marcos na isama sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) agenda ang Anti-Political Dynasty Bill bilang konkretong hakbang laban sa katiwalian.

Babala pa ng mambabatas, “Huwag na nating hintayin na ang mamamayan mismo ang mag-aklas, o ang kasundaluhan ang kumilos na yayanig sa ating demokrasya.”

(BERNARD TAGUINOD)

24

Related posts

Leave a Comment