TILA bumaliktad ang isang social media influencer matapos ikanta sa House Tri-Committee na si dating presidential spokesman Atty. Herminio ‘Harry’ Roque Jr. ang source ng ‘polvoron’ video na bahagi umano ng kampanya para ibagsak si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Vicente Bencalo ‘Pebbles’ Cunanan na unang pinag-usapan sa isang private dinner matapos ang Maisug rally sa Hong Kong noong July 7, 2024, ang ilalabas na larawan kung saan gumagamit ang isang tao ng cocaine na kamukha ni Marcos.
“Ako ay naniniwalang si Atty. Roque ang orihinal na pinagmulan ng polvoron video at na siya ang nagpakalat nito sa publiko upang sirain ang kredibilidad ng Pangulo,” ayon sa mga sinumpaang salaysay ni Cunanan.
“Ang labis ko ding natandaan noong gabing iyon ay nang sabihin ni Atty. Roque na ‘Magaling ako magpabagsak ng gobyerno. Base sa pagkaintindi ko, at dahil iyon ang isa sa mga pinag-usapan ng gabing iyon, ang pagpapakalat ng video na kung saan gumagamit diumano ng cocaine si PBBM ay parte ng sinasabi ni Atty. Roque na pagpapabagsak ng gobyerno,” dagdag pa nito.
Dinaluhan umano ng mga kilalang pro-Duterte vlogger ang nasabing dinner na kinabibilangan nina Atty. Glen Chong, Atty. Trixie Cruz-Angeles, Dr. Lorraine Badoy, Sass Rogando Sassot, Joie de Vivre at Tio Moreno.
“Noong gabing ito, sinabi ni Atty. Roque na siya ay nakatanggap mula sa kamag-anak ng isang politiko ng isang screenshot ng video kung saan makikita si PBBM na gumagamit ng cocaine,” ayon kay Cunanan.
Inamin nito na hindi ipinakita ni Roque sa grupo ang imahe o larawan na hawak nito subalit pinag-usapan umano kung paano ito ilabas sa publiko at maiwasan ang kanilang pananagutan.
“Nagkaroon ng mga diskusyon tungkol sa pagpapakalat ng video ito sa publiko. Ayon sa aking rekoleksyon, mayroon pa ngang naging usapan na isang foreign influencer o vlogger ang dapat mag-post o panggalingan ng video para magmukhang mas kapani-paniwala at upang maiwasan ang anumang posibleng pananagutan mula sa gobyerno ng ating bansa,” ayon sa media influencer.
“Noong nagkaroon ng isang photo session noong parehong gabing iyon, kami ay gumawa ng kapansin-pansing hand gesture: isang baligtad na ‘V’ sign, ayon kay Cunanan kung saan idinagdag na kung matatandaan, naging simbolo ni PBBM ang letrang ‘V’ noong siya ay nangangampanya bilang Presidente, kung kaya naman alam ko na ang hand gesture na ito ay direktang tumutukoy kay PBBM.
Matapos ang halos dalawang linggo, inilabas sa unang pagkakataon ni Roque ang polvoron video sa Maisug rally na ginanap sa Vancouver, Canada noong July 20, isang araw bago ang ikatlong state of the nation address (SoNA) ni Marcos.
“Sa aking pagkakaalam, isa sa mga dumalo sa rally na iyon sa Vancouver ay ang DDS (Davao Death Squad) vlogger na si Maharlika na tila alam na ang laman ng video na ipinakita ni Atty. Roque bago pa man ito ilahad sa publiko,” ani Cunanan.
“Nagpadala pa sa akin ng mensahe si Maharlika kung saan hinihikayat niya akong ‘sakyan’ ang lalabas na video na umano’y nagpapakita kay Pangulong Marcos na gumagamit ng cocaine,” pagsisiwalat pa ni Cunanan.
Dalawang araw matapos ilabas ni Roque ang polvoron video, sinabi ni Cunanan na nakatanggap ito ng mensahe kay Maharlika kasama ang dalawang bersyon ng video na isang raw video at enhance video.
“Mayroon pa rin akong kopya ng raw and enhanced video na ito,” aniya.
“Sa aking pagkaalam, ang larawan na hawak ni Atty. Roque sa rally sa Hong Kong ay mula sa raw version ng video at hindi pa na-a-augment o na-edit noong panahong iyon,” sabi pa nito.
“Sa enhanced version na ipinadala sa akin, sa aking pagkaintindi ay in-edit at in-augment ang video upang magmukhang si Pangulong BBM mismo ang nasa eksena. Dahil dito, lalong tumibay ang aking paniniwala na ang video ay sinadyang ipakalat ni Atty. Roque at ng ilang DDS personalities upang magdulot ng batikos at kontrobersiya laban kay PBBM bago ang kanyang SoNA,” dagdag pa nito.
(PRIMITIVO MAKILING)
