PORK HOLIDAY NANGYARI NA!

NAGKATOTOO na ang banta  ng mga manininda ng karne na hindi sila magtitinda ng manok at baboy pag ipinagpilitan ng gobyerno ang kanilang ceiling price sa nasabing mga pagkain.

Noong isang araw ay nagkaroon ng Pork Holiday o walang nagtinda ng mga baboy at manok sa karamihan mga palengke sa Metro Manila maging sa lugar namin ay walang nabiling baboy ang aking maybahay kamakalawa.

Kaya ayon imbes na sahugan ng baboy o magluluto sana kami ng sinigang na baboy ay bumili na lang siya ng maliliit na isda at ginawang paksiw.

Sabi pa ng kapitbahay kong chismosa sa halip na mamantikaan ang aming mga lips sa pagkain ng sinigang na baboy ay nalansahan na sa pagkain ng isdang paksiw.

Nagsagawa ng inspection ang mga opisyal ng gobyerno na kinabibilangan nina Deparment of Agriculture (DA) Secretary William Dar at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon

Lopez sa ilang palengke sa Metro Manila na kung saan nakita nilang maraming magkakarne ang hindi nagtinda na tinawag nilang Pork Holiday.

Gusto kasing price ceiling ng gobyerno sa karneng baboy ay P270 hanggang P300.

Pinalagan ito ng mga nagtitinda ng karne sa mga palengke, paano nga naman nila maibebenta ang kanilang mga karneng baboy sa ­halagang P270 hanggang P300 kada kilo kung ang bili nila ay P370 kada kilo?

Sa kasalukuyan ang presyo ng karneng baboy ay naglalaro ng P400 kada kilo.

Ganun din sa manok nagtakda sila ng presyo na P160 kada, samantala ang kuha ng mga nagtitinda nito ay P190 kada kilo.

Lumalabas pa ngayon na maraming imported na karne (frozen) ang dumarating sa bansa sa mababang halaga.

Ayan na, lumalabas na ang katotohanan na mayroon ngang nagmamanipula talaga sa supply ng mga karne.

Mayroon talagang nasa likod nito na mas gusto nila ang imported dahil may kumikita dito.

Ang mga ganitong senaryo ay nakita natin dahil madalas nangyayari ito sa bansa ni Juan dela Cruz.
Sasabihin kakapusin ng mga pagkain, yun pala mayroong nasa likod nito na kumikita sa pamamagitan ng imported nilang mga produkto.

Sa pinakahuling natanggap na impormasyon ng PUNA maging ang manok ay kakapusin na rin.

Ngayon sinasabi ng Department of Agriculture kung hindi magtitinda ang nagnenegosyo ng mga karne ay sila na mismo ang magtitinda sa gusto nilang ceiling price.

Sige gawin nyo yan ha, araw-araw at suplayan niyo ang buong bansa.

Nagpapatunay lamang niyan na gusto talaga nila patayin ang maliliit na negosyanteng ng karne.

Hilong talilong ata itong mga taga-DA, bakit sila na ang magtitinda ngayon ng mga karneng baboy at manok?

Gawain ba nila yan? Alamin nyo kung anong dahilan kung bakit nagkakaganyan ang mga nagtitinda ng manok at baboy.

Pag nalaman nyo ang problema solusyunan nyo, hindi sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanilang gawain.

O kaya kung ayaw nyong magpapigil sige, kayo na ang magtinda sa mga pelengke ng karne at ang meat vendors naman ang gagawa ng inyong mga trabaho sa inyong mga opisina.

Tingnan natin kung papayag din kayo na magtinda na wala kayong tutubuin.

Bagamat hindi pa nasubukan ng PUNA na magtinda ng karne sa mga pelengke ay nakikita nating kung gaano kahirap ang kanilang gawain.

Bukod sa nakapapagod na, ay puyat pa dahil kadalasan ang gawain ng mga nasa palengke ay madaling-araw pa lang ay gising na sila.

Kayong mga nasa opisina ay nakapaswerte nyo dahil aircon ang inyong mga kinalalagyan, samantala ang mga nasa pelengke lahat ng dumi at amoy ay nasa kanila na.

Kaya dapat patunayan ng DA na hindi lamang puro press release (PR) ang kanilang sinasabing tulong sa mga magsasaka.

Kung hindi tayo nagkakamali simula nang pumalit si Sec. William Dar kay dating DA Secretay Manny Pinol ay bilyong piso na ang kanilang sinasabing ibinabang tulong sa mga magsasaka.

Kung totoo yang mga ayuda na yan sa mga magsasaka, bakit tila walang epekto?

Bakit natin nasabi yan? Lahat ng agricultural products ay sobrang mahal ang presyo.

Tulad na lamang ng Siling Labuyo na umabot pa ng isang libong piso (P1,000) ang bawat kilo.

Marami rin mga magsasaka ang nakausap ng PUNA na wala raw silang natatanggap na ayuda mula sa DA.

Sino ngayon ang nagsasabi ng totoo ang Department of Agriculture o ang magsasaka?

Bahala na kayong humusga!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

162

Related posts

Leave a Comment