PUNA ni Joel Amongo
SA positibo, maraming mga kababayan natin ngayon ang nagkaroon ng pagkakakitaan dahil sa social media apps.
Nariyan ang libu-libong motorcycle riders na nagtatrabaho sa Joyride, Grab at Angkas na kumikita ng malaki kada biyahe, ‘wag lang sila mabibiktima ng mga manlolokong kustomer.
Nariyan din ang vloggers o influencers na kumikita ng malaking halaga ng pera sa kanilang pagba-vlog.
Nariyan din ang online selling o pagbebenta ng mga produkto sa pamamagitan ng online, at ang online news.
At ang pinakabago ngayon na pinagkakaabalahan ng mga nanay at tatay ng bawat pamilyang Pilipino, ang Facebook Reels.
Marami ngayon ang nahuhumaling sa pagre-reels, kahit anong gawin mo sa loob ng bahay o labas man basta kunan mo ng video at i-upload sa FB reels, ‘wag lang lalabag sa regulasyon ng Meta, kikita ka ng malaking pera kada buwan.
Hindi na kailangan pang magpakahirap sa abroad ang ating mga ina at ama ng tahanan sa ibang bansa basta masipag ka lang mag-upload ng video sa FB reels, ay mabubuhay mo na ang inyong pamilya.
Kung ikukumpara sa overseas Filipino worker o domestic helper na sumusuweldo ng P25K hanggang P30K kada buwan, ang mga nagre-reels ay kumikita ng humigit-kumulang P200K kada buwan, kasama mo pa ang mga anak at pamilya mo.
Masusubaybayan pa ng mga magulang ang paglaki ng kanilang mga anak at siguradong buo ang kanilang pamilya.
Kung may positibo sa social media, mayroon din itong negatibong dulot.
Tulad na lamang ng napakaraming scammers na naglabasan ngayon.
Tulad na lamang ng isinulat natin kamakalawa na naglipanang raffle draws ng motor, kotse, gadgets, appliances at bahay.
Para maiwasan nating maging biktima tayo ng mga ganitong modus, maging maingat tayo.
‘Wag tayo agad maniniwala sa mga pangungumbinsi gamit ang social media.
Lalo sa pagbibigay ng ating mga personal information sa hindi naman nating kilalang tao partikular na ang impormasyon na may kinalaman sa bangko.
Mag-ingat din po tayo sa pagpatol sa mga loan thru social media, marami rin kasing nag-aalok ng loans gamit ang Facebook at iba pang apps.
Ang scammers ay laging nakaabang at naghihintay lamang kanilang bibiktimahin, kaya mag-ingat po tayong lahat.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
