POSITIBONG KWENTO SA GITNA NG KRISIS AT PANDEMYA

NANANATILI sa ilalim ng mga community ­quarantine ang iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Bagama’t ­ilang buwan na ring ganito ang takbo ng ating lipunan, marami ang sinusubukan pa ring masanay sa bagong normal na takbo ng buhay.

Marami ang pagod na sa nararanasang stress na dala ng pandemyang ito na bumalot hindi lamang sa ­ating bansa kundi sa buong mundo.

Ito marahil ang dahilan kung bakit ang mga simpleng istorya ng kabutihan ay mabilis na nakapupukaw sa puso ng marami.

Kamakailan ay isang post ng netizen ang pumukaw sa damdamin ng libu-libong tao.

Kumalat sa social media at nag-trending ang post tungkol sa dalawang batang naki-usap sa isang meter reader ng Meralco na makuhanan din ng litrato gamit ang kamerang ginagamit nito sa trabaho – isang bagay na hindi naman tinanggihan ng meter reader na kinilalang si Joselito Ignacio.

Ayon sa kwento, naglalaro ang dalawang bata ng mamataan nila si Joselito na dala-dala ang kamera at kinukuhanan ng litrato ang mga metro na nasa taas ng poste.

Hinintay ng mga bata na matapos sa pagkuha ng litrato ng metro si Joselito at saka ito humingi ng pabor kung maaari rin silang kuhanan nito ng litrato.

Pinagbigyan naman ni Joselito ang dalawang bata. Ang pangyayaring ito ay nai-dokumento ng netizen na si Krizzel Gatmin at ipinost sa kanyang Facebook account. Mabilis na kumalat ang post na ngayo’y umani na ng libu-libong reaksyon at komento mula sa iba pang mga netizen.

Sa isang panayam sa DZMM ay naibahagi ni Joselito na hindi pa ito nakauuwi sa Bolinao, Pangasinan mula nang nagsimula ang lockdown kaya’t talagang nangungulila na siya sa kanyang apat na anak.

Ito rin ang dahilan kung bakit naging malambot ang puso ni ­Joselito sa mga bata.

Ang ­istoryang ito ay hindi lamang istorya ng dalawang batang napasaya ng isang Meralco meter reader kundi istorya rin ng isang ama na ­nangungulila sa mga anak nito.

Bukod sa inspirasyong makukuha sa kwentong ito, ito rin ay patunay kung paanong ang mga ­kumpanya gaya ng Meralco na sa kabila ng mga pagsubok at ­panganib na dala ng ­COVID-19 ay patuloy na nagbibigay ng ­serbisyo sa ­ating lahat 24/7.

Sinisiguro ng Meralco sa publiko na magpapatuloy ang operasyon nito ng ­pagbabasa ng metro sa kabila ng iba’t ibang uri ng quarantine na ipinatutupad sa mga lugar na nasasakupan nito.

Nawa’y ang istoryang ito ng munting kabutihan ay ­maging ­sapat upang ­maalala natin ang kabutihan na nariyan pa rin sa ating paligid sa kabila ng ­lahat ng mga hindi magandang ­pangyayari ngayong taong ito.

141

Related posts

Leave a Comment