HINDI masabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang dahilan sa likod ng pagtanggal sa puwesto kay dating Executive Secretary Lucas Bersamin, gayundin kung sino ang nagpatupad ng hakbang, matapos itong idawit ni Bicol party-list Rep. Elizaldy Co sa kontrobersyal na flood control scam.
“Hindi ko po masasabi kung sino po ang nagpatanggal sa kanya,” tugon ni Castro sa press briefing sa Malacañang nang tanungin kung bakit natanggal si Bersamin at sino ang nasa likod ng pagpapatanggal.
Si Castro rin ang nag-anunsyo ng pagbibitiw ni Bersamin “out of delicadeza,” ngunit kalaunan ay itinanggi ng dating opisyal na siya ay nag-resign.
Naging laman din ng social media ang sinasabing makapangyarihang ‘kaibigan’ na tumawag kay Bersamin at nag-utos ng kanyang pagbibitiw.
Ilang kilalang social media influencers ang nagbigay ng pahaging patungkol sa misteryosong tao na umano’y bilyonaryo at makapangyarihan.
Noong Setyembre, nadawit ang pangalan ni Bersamin sa umano’y anomalya sa flood control projects matapos ibunyag ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na may “commitment” umanong 15 percent ang Office of the Executive Secretary mula sa P2.85-bilyong proyekto. Pinabulaanan ito ni Bersamin.
Samantala, nang matanong kung bakit nauuna ang mga anunsyo bago pormal na ipaalam sa mga opisyal ang kanilang pag-alis sa tungkulin, sinabi ni Castro na normal ito sa serbisyo publiko.
“Lahat naman po kami, ang aming service ay upon the pleasure of the President… pagpasok mo dito, hindi mo alam kung ito na ang huling araw mo,” aniya.
Samantala, sinabi ni Castro na wala pa siyang natatanggap na impormasyon kung magkakaroon ng internal investigation sa flood control mess.
Giit niya, gumagana na ang ICI na siyang nagsisiyasat sa mga isyu kaugnay ng flood control at iba pang infrastructure projects upang masiguro ang isang independent na imbestigasyon.
(CHRISTIAN DALE)
118
