WALANG kasing halaga ang kalayaan sa pamamahayag, o press freedom, ipinunto ng Supreme Court (SC).
Ipinaliwanag ng mataas na korte sa desisyon nitong iabsuwelto si Columnist Raffy “Idol” Tulfo ng Abante Tonite na hindi madidiskubre ng publiko ang mga katiwalian at korapsyon ng mga opisyal at kawani ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kung walang press na nagbabantay at nagsisiwalat laban sa kanila.
Hindi rin maitutuwid ang kanilang mga pagkakamali at pagkukulang, patuloy ng mataas na korte.
Binanggit ito ng mataas na korte sa desisyon nito hinggil sa kasong libelo laban kay Tulfo at iba pa patungkol sa serye ng kanyang birada sa kanyang kolum na “Shoot to Kill” sa Abante Tonite hinggil sa ilegal na mga gawain ni Atty. Carlos So ng Bureau of Customs (BOC).
Sinampahan ni So ng kasong libelo si Tulfo at iba pang personalidad ng Abante Tonite noong 1999 sa Pasay City Regional Trial Court.
Nanalo ang labing-apat na kaso ni So.
Umapela si Tulfo sa Court of Appeals (CA) kung saan pumabor ito sa desisyon ng mababang korte.
Inakyat ni Tulfo ang mga kaso sa Korte Suprema.
Kamakailan, tinapos at naglabas ng desisyon ang ikatlong dibisyon ng Korte Suprema hinggil sa mga kasong libelo kung saan pinawalang sala nito si Tulfo at iba pa.
Ipinaliwanag ng ikatlong dibisyon na: “the prosecution failed to prove that petitioner Tulfo acted with malice, or with reckless disregard in determining the truth or falsity of the imputations”.
“We regard the vital role that the media plays in ensuring that the government and its officials remain true to their oath in carrying out their mandates in a manner prescribed by law…Nevertheless, the constitutionally protected freedoms enjoyed by the press cannot be used as a shield to advance the malicious propagation of false information carried out by unscrupulous entities to injure another’s reputation,” patuloy nito.
Ayon sa desisyon ng mataas na hukuman: “Petitioner Tulfo reported the alleged illegal activities of Atty. So in the exercise of his public functions. Our libel laws must not be broadly construed as to deter comments on public affairs and the conduct of public officials…Petitioner Tulfo should be acquitted”.
Nilinaw at idiniin ng nasabing desisyon na ang bawat prosekyusyon hinggil sa libelo “must undergo the rigorous and exacting standard of ensuring that it does not violate the fundamental right to free speech and the press.”
Ipinaalala rin ng mga mahistrado na hindi magtatagumpay ang kasong libelo hangga’t hindi napatutunayan ng mga abogadong nagtatanggol sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na binatikos ng press na mayroong “malisya” ang banat, o atake, ng mga mamamahayag.
Mahalagang elemento ang malisya ng sumulat ng artikulo at kolum upang ang “criminal case for libel against critics of a public officer’s exercise of official functions cannot prosper”. (NELSON S. BADILLA)
