100 PASAHERO NASAGIP SA SUMADSAD NA RO-RO

NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard Station (PCGS) Northeastern Palawan ang mahigit 100 pasahero ng sumadsad na Ro-Ro vessel ng 2GO malapit sa Coron, Palawan.

Nitong Linggo ng umaga nang tuluyang mailikas ng Phil. Coast Guard ang may 106 sakay ng MV St. Francis Xavier, na nakasadsad, may isang nautical mile mula sa Puerto ng Coron.

Ayon sa Coast Guard, bandang alas-4 ng hapon noong Biyernes nang makaranas ng engine trouble ang MV St. Francis, habang paalis ng Coron papuntang Puerto Princesa City.

Habang nagsasagawa ng undocking manuever ay bigla umanong nawalan ng kuryente ang Ro-Ro kaya nagpasya ang mga tripulante na umangkorahe pansamantala habang kinukumpuni ang barko.

Bagama’t naibalik ang kuryente ay hindi agad nakaalis ang barko dahil habang minamaniobra ito ay sumadsad ito sa lupa dulot ng low tide.

Isasailalim muna sa pagsusuri ang nasabing barko bago payagang magpatuloy sa biyahe. (JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment