2 TULAK KUMASA SA PARAK, TODAS

BULACAN – Dalawang drug dealer ang napatay nang piliing manlaban kaysa magpahuli nang buhay sa pinagsanib na puwersa ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Bustos Police, sa buy-bust operation sa Barangay Talampas, bayan ng Bustos, habang 24 pang drug suspect ang nadakip sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa lalawigang ito, noong Lunes.

Kinilala ni P/Col. Lawrence B. Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang isa sa napatay na si alyas Harly habang hindi pa nakikilala ang kasama nito, kapwa hindi umabot nang buhay sa pagamutan.

Pasado alas-3:00 ng madaling araw nang maglatag ng buy-bust operation ang Bulacan PIU, sa pangunguna ng kanilang team leader na si P/Major Jansky Andrew Jaafar, hepe ng Bulacan PIU, at P/Major Jude Bryan Maguddayao, hepe ng Bustos police, sa Barangay Talampas, Bustos.

Nabatid na magkaangkas sa motorsiklo na dumating sa lugar ng transaksyon ang dalawang suspek ngunit nakatunog ang mga ito na undercover policemen ang kanilang kausap kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis at ang police asset.

Napilitang gumanti ng putok ang back-up security at napatay ang mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang 14 pakete ng shabu, dalawang caliber .38 revolver, boodle money at isang motorsiklo.

Samantala, umabot sa 24 drug personalities ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa mga bayan at siyudad ng Meycauayan, Marilao, Bocaue, Pulilan, Calumpit, Obando, Guiguinto at Plaridel. (GINA BORLONGAN)

 

80

Related posts

Leave a Comment