SASAMPAHAN ng kasong paglabag sa RA 11038 o National Integrated Protected Areas System Act of 1992, ang tatlong lalaki matapos maaktuhang nanghuhuli ng baboy ramo sa protected areas sa Mt. Banahaw.
Ang mga suspek na kinilalang sina Isabelo Javin, Melandres Javin at Michael Villarey ay naaktuhan ng dalawang nagpapatrolyang mga tauhan ng Tayabas City Environment and Natural Resources Office (ENRO) na bitbit ang isang buhay pa na baboy ramo subalit may tama ng bala ng baril sa kabundukan ng Barangay Alitao na sakop ng Mount Banahaw–San Cristobal Protected Landscape.
Subalit dahil armado ng baril at itak ang tatlong mangangaso at nangangamba sa kanilang kaligtasan ang dalawang tauhan ng ENRO, ay sinabihan na lamang ng mga ito ang mga suspek na huwag na muling aakyat sa ipinagbabawal na lugar nang walang permit mula sa DENR.
Hindi na rin nagawang dis-armahan ng mga ito ang mga suspek at hindi na rin nabawi ang baboy ramo.
Habang papalayo ang tatlo, nagpumiglas ang baboy ramo kaya sinaksak ito ng mga suspek gamit ang itak at saka binitbit papalayo.
Agad itong ipinagbigay-alam ng dalawa sa tanggapan ng DENR na siyang nasampa ng kaso laban sa mga suspek.
Ayon sa Republic Act No. 9147 o “An act providing for the conservation and protection of wildlife resources and their habitats,” na nagkabisa noong Hulyo 30, 2001, protektado ang baboy ramo at bawal itong hulihin.
Itinuturing din ito na nasa listahan ng endangered species sa Pilipinas.
(NILOU DEL CARMEN)
