PORMAL nang sinampahan ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) nitong Biyernes sa Bulacan Provincial Prosecutor Office, ang tatlong pulis na umano’y sangkot sa insidente ng robbery hold-up noong Miyerkoles ng umaga matapos silang manloob sa bahay ng isang negosyante sa Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan at tinangay ang P30 milyong cash at ilang gadgets.
Ang mga pulis na nahaharap sa kasong robbery matapos silang mahuli sa follow-up operations, ay kinilalang sina PSSg Anthony Ancheta, 48, nakatalaga sa Malolos City Police Station; PMaj. Armando Reyes, 55, nakatalaga sa Hagonoy Police Station, at PSMS Ronnie Galion, 43, nakatalaga sa Sta. Maria Police Station, pawang ng Bulacan PPO.
Kasalukuya namang pinaghahanap ng Bulacan Police ang apat pang mga suspek na sinasabing mga aktibong pulis na nakatalaga sa lalawigan ng Bulacan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang alas-10 ng umaga noong Agosto 28, pinasok ng pitong suspek ang bahay ng negosyanteng si Emerson Magbitang, 35, isang pharmaceutical supplier, sa Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan.
Nagkunwaring humihingi ng tulong pinansyal ang mga suspek kaya madali silang nakapasok sa bahay ng negosyante.
Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang biktima at saka tinangay ang P30 milyong cash na sinabi ng biktima na kaka-withdraw lang niya sa bangko.
Tatlong cellphone din ang tinangay na kalaunan ay ibinato ng mga suspek sa Balagtas NLEX habang tumatakas upang hindi masundan.
Sinabi ni Barangay Chairman Michael Payuran ng Borol 2nd, nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek matapos na ang mga tauhan ng garbage truck na nagkataong naghahakot ng basura sa labas ng bahay ng biktima, ay nakita at nasaksihan ang insidente ng pagnanakaw at na agad nagsumbong sa himpilan ng pulisya.
Agad na nagsagawa ng follow-up operations ang Balagtas Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek.
Kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad para mahuli ang apat pang mga suspek na nakatakas. (ELOISA SILVERIO)
47