BABAE PINATAY, INILAGAY SA COOLER NG KAPITBAHAY

CAVITE – Pinatay sa sakal gamit ang nylon cord at inilagay sa cooler ang isang babae ng kanyang kapitbahay dahil sa galit nang singilin sa kanyang utang sa Trece Martires City sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktimang si alyas “Ana”, 26, may live-in partner, ng Trece Martires City, habang pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si alyas “Willy”, 35, may asawa, ng Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City.

Ayon sa ulat, pinuntahan ng biktima ang suspek sa bahay nito bandang alas-4:45 ng hapon at siningil sa utang na P50,000.

Ayon kay Lt. Col. Michael Batoctoy, hepe ng Trece Martires City Police, wala umanong pambayad ang suspek ngunit kinulit ito ng biktima.

Bunsod nito, nagdilim ang paningin ng suspek, sinakal ang biktima gamit ang nylon cord hanggang sa malagutan ng hininga saka inilagay sa cooler ang bangkay nito.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek ngunit tinawagan ang kanyang asawa at sinabing napatay niya ang kanilang kapitbahay sa pamamagitan ng pagsakal, saka inilagay ang katawan sa cooler.

Bandang alas-9:15 ng gabi nang natanggap ng pulisya ang tawag hinggil sa insidente.

Nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa nasabing suspek. (SIGFRED ADSUARA)

62

Related posts

Leave a Comment