ENGINEER PINATAY, TSINAP-TSAP NG CARETAKER

CAVITE – Nabunyag ang brutal na pagpatay sa isang engineer na pinagputol-putol ang katawan, matapos maaresto ang 30-anyos na caretaker nito, bitbit ang mahigit P4 milyong cash at mga kagamitan sa isinagawang operasyon sa Bacoor City, noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Romnick Bombeo y Missiona, 30, binata, construction worker, at residente ng Brgy. Zapote-Las Piñas, Las Piñas City, caretaker ng biktimang si Napoleon Fernandez y Cuevas, isang civil engineer.

Ang pag-aresto sa suspek ay bunsod ng reklamo ni Danilo Fernandez, 64, ng Brgy. San Isidro, Talisay, Cebu City.

Una rito, humingi ng police assistance si Danilo dahil ang kapatid nitong si Napoleon ay nawawala noon pang Hulyo 7, 2023.

Nagtungo naman ang mga awtoridad sa bahay ng caretaker ng biktima subalit pagdating doon ay hindi ito makausap dahil tulala ito habang may hawak itong malaking backpack.

Nang buksan ang backpack ay tumambad ang tinatayang P4,926,100 cash, tatlong gold bracelet, tatlong gold chains, isang gold na singsing, dalawang relo, dalawang Samsung Flip phones, wallet, at iba’t ibang identification cards ng biktima dahilan para arestuhin ng mga awtoridad ang suspek.

Sa isinagawang custodial debriefing, lumabas na ang katawan ng biktima ay pinagputol-putol at itinapon ng suspek sa bahagi ng Tirona Highway sa Bacoor City kung saan natagpuan ang putol na itaas na bahagi ng katawan, putol na ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ni Napoleon.

Nadiskubre ang mga putol-putol na katawan ng biktima dakong alas-10:45 ng umaga noong Miyerkoles sa Neverland, Brgy. Habay 1, Bacoor City.(SIGFRED ADSUARA)

158

Related posts

Leave a Comment