BATANGAS – Patay ang isang dating barangay chairman matapos na ito ay barilin ng isang hindi kilalang gunman na sakay ng SUV sa bayan ng Sto. Tomas sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.
Binawian ng buhay sanhi ng tatlong tama ng bala sa ulo at katawan ang negosyanteng si David Garcia, 50-anyos, residente at dating tserman ng Barangay San Vicente.
Batay sa report, malapitang pinagbabaril ang biktima ng suspek na bumaba mula sa isang itim na Montero sa mismong harapan ng kanilang subdivision dakong ala-6:00 ng umaga.
Sa kuha ng CCTV, makikitang may kausap ang biktima sa lugar nang biglang dumating ang itim na Montero, bumaba ang isang lalaki na nakasuot ng ballcap at naka-face mask.
Pagkaraan ay pinaputukan nito nang sunod-sunod ang biktima at mabilis na tumakas.
Ayon kay P/Lt. Col. Armie Agbuya, hepe ng Sto. Tomas Police, kabilang ang biktima sa PRRD narco-list ngunit inaalam pa ang posibleng motibo sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
