GUNMAN NI BATOCABE ETSAPUWERA SA REWARD

bato

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI kasama sa makikinabang sa reward money ang mga bumaril at pumatay kay AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe at ng kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz.
Inihayag ito ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez matapos i-turn-over ang P8 million sa P13 million mula sa mga kongresista, kay Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde Miyerkoles ng hapon.

“Hindi kasama ang bumaril kay Congressman sa bibigyan ng reward money,” ani Benitez na ang tinutukoy ay ang umaming bumaril at nakapatay kay Batocabe na si Henry Guanson Yuson.
Mismong si Benetiz na nanguna sa ambagan ng mga mambabatas, kasama sina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez at AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, ang nag-turn-over sa nasabing halaga kay Albayalde sa Office of the Speaker.

Una na umanong naibigay ng Kamara ang P5 million sa PNP kaya sa kabuuan ay P30 million na ang reward money na kinabibilangan ng P15 million mula sa AKO Bicol party-list at P2 million mula sa lalawigan ng Albay.
Sinabi ni Benitez, walang karapatan ang pumatay kay Batocabe at kay Diaz na makinabang sa nasabing pera kahit itinuro ng mga ito na si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo ang nag-utos sa kanila na gawin ang krimen.

Magugunitang noong Disyembre 22, 2018 ay pinatay sina Batocabe at Diaz sa Brgy. Burgos, Daraga, Albay habang papasakay sila sa kanilang sasakyan mula sa gift-giving event na kanilang dinaluhan.
Umanin si Yuson na siya ang bumaril at nakapatay kay Batocabe base umano sa utos ni Baldo na makakalaban sana ng kongresista sa pagka-mayor ng Daraga, Albay sa susunod na eleksyon.

Umaasa si Garbin na mapabibilis ang takbo ng kaso nina Batocabe at Diaz upang makamit ng kanilang pamilya at mga constituent ang katarungan sa lalong madaling panahon.

199

Related posts

Leave a Comment