(NI ABBY MENDOZA)
NAGBABALA ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration(Pagasa) sa publiko dahil sa usok na nanggaling sa forest fire sa Sumatra at Kalimantan, Indonesia na nakarating na ng Pilipinas na nagdudulot ngayon ng low visibility.
Partikular na pinag-iingat ng Pagasa ang mga mangingisda lalo sa Tawi Tawi, General Santos at Puerto Prinsesa kung saan sinasabing makapal ang usok sa kalangitan.
Ayon sa Pagasa hindi fog ang nakikitang makakapal na puti sa kalangitan kundi usok, dahil sa usok ay mababa ang horizontal visibility kaya dapat na mag ingat lalo ang mga naglalayag.
Pinag-iingat din ng Department of Environment and Natural Resources -Environmental Management Bureau (DENR-EMB) laban sa masamang epekto na ng maaaring idulot sa kalusugan ng usok, pinapayuhan ng DENR ang mga residente na magsuot ng face mask.
Partikular na pinag iingat ang mga mayroong allergy, may sakit sa baga at may asthma, pinapayuhan ang mga ito na kung maaaari ay huwag na munang lumabas ng kanilang bahay upang hindi makalanghap ng maruming usok.
Nabatid na umabot na rin ang haze sa Bacolod, Iloilo, Dumaguete, Cebu, Zamboanga, Puerto Princesa, Tagum City at Koronadal City.
Sa pinakahuling air quality monitoring ng EMB ay nasa normal level pa ito, hindi rin matiyak ng DENR kung hanggang kailan magtatagal ang haze sa nasabing lugar na nakadepende umano sa magiging paggalaw ng hangin.
360