HOLDAPER NATIMBOG SA IMBURNAL

CAVITE – Natimbog habang nagtatago sa imburnal ang isang 23-anyos na lalaki makaraang holdapin at tangayin ang mahigit P14,000 kita ng isang kilalang convenience store sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito.

Nabawi naman ang P14,093 cash sa suspek na si Philip Privandos ng Brgy. Muzon II, Rosario, Cavite makaraang ireklamo ni Jojo Mape, security officer ng 7-11 Convenience Store, Rosario branch.

Sa ulat ni Corporal Ahvegail Darang ng Rosario Municipal Police Station, dakong alas-1:40 Sabado ng madaling araw habang nagpapatrulya ang mga operatiba ng Mobile Patrol ng Rosario MPS, nang ipaalam sa kanila ng isang service crew ang nangyaring panghoholdap ng suspek sa kanilang tindahan at tinangay ang kita ng convenience store na matatagpuan sa Brgy. Poblacion, Rosario Cavite branch.

Itinuro ng nasabing service crew na tumakbo ang suspek sa direksiyon ng Brgy. Silangan ng naturang bayan.

Agad namang hinalughog ang lugar at nataguan ang suspek habang nagtatago sa imburnal na nagresulta sa pagkakaaresto kay Privandos at nabawi ang kinulimbat na pera at ginamit na kutsilyo sa panghoholdap. (SIGFRED ADSUARA)

 

51

Related posts

Leave a Comment