(NI KEVIN COLLANTES)
PLANO ng Department of Education (DepEd) na pagkalooban ng year-round insurance ang may 27 milyong mag-aaral sa bansa.
Mismong si Education Secretary Leonor Briones ang nag-anunsiyo nito nang personal na magpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng limang estudyante, na kinabibilangan ng grade school students, ng Basay National High School, na nasawi sa isang aksidente sa Zamboanguita, Negros Oriental noong Marso 1.
Ayon kay Briones, dahil sa naturang aksidente ay bumuo sila sa departamento ng mga plano upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga kabataan, lalo na kung lalabas sila ng kanilang mga paaralan, gaya ng paglaban sa mga kumpetisyon at iba pang aktibidad na may kinalaman sa kanilang pag-aaral.
Pangunahin aniya dito ang pagbibigay sa mga mag-aaral ng year-round insurance.
“First is the provision of insurance for all schoolchildren—all 27 million of them—year round,” anunsiyo Briones.
“Each time groups of children go out of the periphery of our campus, participate in competitions, and travel to other places, they have to be covered by insurance so that if there is a need for benefits and for assistance, these can be available,” dagdag pa ng kalihim.
Kasabay nito, umapela rin si Briones sa mga regulatory agency na mas talasan ang kanilang mga mata at magsagawa ng mas maraming robust assessment at monitoring sa mga behikulo, partikular na sa mga public utility vehicles (PUV) kagaya na lamang nang sinakyan ng mga estudyanteng biktima nang maaksidente ang mga ito noong Marso 1.
Tinukoy din ni Briones ang pangangailangan nila sa quick response fund, dahil ang probisyon para sa financial assistance sa mga ganitong uri ng kaganapan ay hindi anila kasama sa budget ng DepEd.
Tiniyak naman ni Briones na lahat ng kanilang naturang plano ay kanilang ihahayag sa Kongreso sa susunod na budget proposal nila.
Samantala, nanawagan rin naman si Briones sa publiko, gayundin sa mga civil society organizations, local government units, national government institutions, at mga komunidad, na maging mas vigilante pa sa pagprotekta ng mga kabataan, na siyang pangunahing nagiging biktima ng mga aksidente at pang-aabuso.
“It’s really such a great loss. We did not lose only the lives of children; we lost so much promise, so much ambition, and so much hope,” ani Briones. “And this is a result, perhaps, of lack of vigilance on the part of us—us who are grown-ups, us who are responsible for these children’s safety.”
149