KASO NG DENGUE SA SOCCSKSARGEN UMABOT NA SA 13,000

(NI DONDON DINOY)

DIGOS CITY- Nanguna na ngayon ang lalawigan ng South Cotabato sa may pinamaraming nagkasakit ng dengue sa Soccsksargen Region.

Ayon sa huling datos ng Department of Health (DOH)-Soccsksargen mula Enero 1 hanggang Agosto 3, 2019, nasa 13,128 katao na ang nagkasakit ng dengue o nasa 179 porsiyento kung ikumpara sa parehas na panahon noong 2018.

Sa naturang bilang, nasa 34 porsiyento o 4,452 ang naitala sa South Cotabato na mayroong 182 porsiyento ang pagtaas.

Nakapagtala rin ang lalawigan ng pinakamaraming namatay na aabot sa 22 katao.

Sinabi ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. na hindi nila iniisip na negatibo ang pangunguna ng South Cotabato sa dengue cases ngunit nagpakita umano ito ng sistema na kailangang malutas.

Sinundan ng South Cotabato ang North Cotabato na may 4,357 kaso ng dengue, Sultan Kudarat 1,996, Sarangani 1,119, General Santos City 712 at Cotabato City 492.

Sa kabuuan, umabot na sa 56 katao ang naitala na namatay sa dengue sa Soccsksargen.

Dahil dito, pinaigting ng DOH-Soccsksargen ang 4 o’clock habit campaign at 4S strategy laban sa dengue matapos magdeklara ang DOH ng National Dengue Epidemic sa buong bansa.

141

Related posts

Leave a Comment