KUMASA SA KAGAWAD, HOLDAPER PATAY

QUEZON – Patay ang isa sa dalawang holdaper na nanloob sa bahay na tinutuluyan ng limang negosyanteng Muslim sa bulubunduking lugar ng Sitio Pulo, Brgy. Bukal Norte, sa bayan ng Candelaria sa lalawigan, nang makipagbarilan sa nagrespondeng isang kagawad ng barangay noong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa report ng Candelaria Police, ang napatay na suspek ay nagngangalang “Aldrim”, habang nasugatan at naaresto ang kasama nito na si alyas “Rommel”, 21, residente ng Brgy. Bawi, Padre Garcia, Batangas.

Sugatan din ang nakabarilang isang barangay kagawad na si Ricardo Escamo, nilalapatan ng lunas sa ospital.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-4:30 ng umaga nang puwersahang pasukin ng mga suspek ang bahay ni Zhennie Shion Gonzalez, 37, na kinaroroonan ng lima pang mga biktima, sa pamamagitan ng pagwasak ng backdoor.

Tinutukan ng mga ito ng baril ang mga biktima at saka nilimas ang mga gamit, kabilang ang mga cellphone, at cash money saka agad na tumakas sakay ng motorsiklo.

Nakahingi naman agad ang mga biktima ng tulong kay Kagawad Escamo na hinabol ang mga suspek.

Nang mapang-abot sa Sitio Mayapyap, nagkaroon ng palitan ng putok na ikinamatay ng suspek na si Aldrin at ikinasugat ni Rommel at ng kagawad.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari. (NILOU DEL CARMEN)

30

Related posts

Leave a Comment