LALAKI HINATAW NG DE CABRA SA AWAY-PAMILYA

CAVITE – Inoobserbahan ang kanang mata ng isang lalaki makaraang hatawin ng de cabra ng kanilang kapitbahay nang komprontahin dahil sa away nito sa kanyang pamilya sa Bacoor City noong Sabado ng gabi.

Nilalapatan ng lunas sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si alyas “Lawrence” dahil sa malalang sugat sa kanyang kanang mata.

Nahaharap naman sa kasong serious physical injury ang suspek na si alyas “Judito,” kapitbahay ng biktima.

Ayon sa ulat, pinuntahan umano ng biktima ang suspek sa kanilang bahay bandang alas-6:00 ng gabi sa Brgy. Habay 1, Bacoor City, Cavite upang kausapin hinggil sa matagal nang away nila ng kanyang pamilya.

Pero imbes na makipag-usap ang suspek sa biktima, pumasok ito sa kanilang bahay at paglabas ay may dala nang itak at de cabra at hinataw si Lawrence na tinamaan sa kanang mata.

Unang isinugod sa isang ospital sa Cavite ang biktima subalit inilipat sa Maynila dahil sa malalang pinsala sa mata.

Arestado naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)

61

Related posts

Leave a Comment