QUEZON – Malubhang nasugatan ang mag-live-in partner matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa kanilang bahay sa Sitio Sampalok Lakers, Brgy. Malabanban Norte, sa bayan ng Candelaria noong Martes ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina Jose Zamora Abordo, 35, at Odesa Carandang Villena, 43 anyos.
Ayon sa report ng Candelaria Police, natutulog ang mga biktima nang kumatok sa kanilang bahay ang mga suspek pasado alas-10:00 ng gabi.
Nang pagbuksan ng mga biktima, bigla silang pinaputukan ng dalawang suspek.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod ang mga biktima sa Candelaria District Hospital para malapatan ng lunas.
Napag-alaman na si Villena ay dating naaresto sa buy-bust operation ng Candelaria Police dahil sa kasong pagbebenta ng illegal drugs.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
9