DAVAO City – Agad nalagutan ng hininga ang isang motorcycle rider makaraang pagbabarilin ng isang lasing na lalaki nang lumapit ang biktima sa grupo ng kalalakihang nag-iinuman sa lungsod na ito.
Nangyari ang insidente sa Purok Narra, Barangay Binaton, Digos City, sa Davao del Sur, nitong hapon ng Lunes.
Sa ulat ng Digos City Police Station, kinilala ang biktimang si Terry Oton Bunod, 44, habang ang suspek ay si Raymart Reyes Cabanilla, 25-anyos.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, habang nag-iinuman ang suspek at mga kaibigan nito nang lumapit ang biktima.
Ngunit sa hindi malamang dahilan, bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Natagpuan sa pinangyarihan ng insidente ang ilang basyo ng bala ng .45 kalibreng baril na ginamit ng suspek sa pamamaril.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang nasabing suspek. (DONDON DINOY)
411