GAGAMIT na ng kamay na bakal ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa mga pasaway na negosyante sa Tagaytay City.
Sa isang panayam, sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na handa silang magpadala ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) para puwersahang isara ang mga establisimyento sa Tagatay na patuloy na mag-o-operate ng kanilang negosyo sa kabila ng babala ng Phivolcs.
Bukod dito, aatasan na ng DILG ang local chief executive na isara ang establisimyento, kanselahin ang Mayor’s permit at operating permit.
Aniya, dahil sa patuloy na pagpapakita ng abnormal na aktibidades ng Bulkang Taal ay ipinagbabawal ang mga commercial operation na sakop ng 14 kilometers radius mula sa Taal Volcano crater.
Wala namang dapat na ipangamba ang mga residente ng Tagaytay dahil may mga barangay sa ibaba ng Tagaytay City na ginagamit bilang evacuation centers habang sa itaas naman ay patuloy nilang ipinatitigil ang pagpunta ng mga lokal na turista roon.
Ani Usec. Densing, nakipag-ugnayan na ang mga lokal na opisyal ng Tagaytay sa DILG ngunit talagang may mga negosyante na matitigas ang ulo at nais ituloy ang operasyon ng kanilang negosyo sa kabila ng panganib na bitbit ng pamamaga ngayon ng Bulkang Taal.
Sa katunayan nga aniya ay mayroong mga nangyaring miting sa pagitan ng mga negosyante at lokal na opisyal ng Tagaytay dahil umaaray na ang mga ito sa epekto sa kanilang negosyo.
Subalit dapat aniyang isipin ng mga ito na ‘safety first’ ang iniisip ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ni Usec. Densing ang pagmamatigas ng Taal Vista sa kabila ng ipinalabas na Memandum ng DILG na naglalayong ipatigil na ang commercial operations sa nasabing lugar.
Samantala, may naghihintay umanong trabaho sa mga empleyado ng mga establisimyento sa Tagaytay City na maaapektuhan ng pagsasara ng mga ito.
Ani Densing, bahala na ang DSWD at DOLE na may ‘Tupad program” para sa mga mawawalan ng trabaho na pwedeng bigyan ng cash-to-work program at makatatanggap din ng minimum wage. (CHRISTIAN DALE)
“WINDOW HOURS”
Ikinukonsidera naman na ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na ipatigil sa mga lokal na pamahalaan sa Batangas ang pagbibigay ng “window hours” sa mga residente sa Region 4-A (CALABARZON) na nais pansamantalang bumalik sa kani-kanilang bahay para magbitbit ng mga gamit at magpakain ng mga alagang hayop.
Ayon kay Año, hinayaan nila ang LGUs na magdesisyon para sa “window hours” na nakadepende sa impormasyon mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) patungkol sa mga aktibidad ng Bulkang Taal.
Gayunman, naniniwala si Año na sapat na ang ibinigay na konsiderasyon sa mga residente at kailangan na nilang maghigpit lalo na’t hindi pa matatawag na ligtas ang sitwasyon ng bulkan.
“Hindi natin alam kailan puputok ‘yan, as long as we have the Alert Level, impose talaga natin ‘yung lockdown at saka mandatory evacuation,” pahayag ni Año.
Hindi na aniya mapapayagan na maging paulit-ulit ang pagbibigay ng “window hours.” Ibig sabihin, kung napagbigyan na ang mga residente sa isang bayan na saglit na makauwi, hindi na ito mauulit.
98% NAILIKAS NA
Inihayag ni Año na nasa 98% ng mga residente sa lahat ng mga barangay na nasasakop ng 14-kilometer danger zone ng Bulkang Taal ang nailikas na.
“Based on our latest report, 98% of the residents in the barangays located within the 14-km high risk danger zone have been fully evacuated and the rest are undergoing evacuation,” ani Año.
Binanggit pa ng kalihim na 100% ng 142 local government officials sa Region III, IV-A, IV-B at National Capital Region ang nagpakita sa kani-kanilang mga hurisdikasyon para pangasiwaan ang pagtugon sa kalamidad.
Sa ngayon ay aabot na sa 15 bayan ang nasa ilalim ng lockdown o mahigpit nang ipinagbabawal ang pagpasok ng kahit sino sa gitna ng pangamba na mangyayari ang mapanganib na pagsabo ng bulkang Taal ano mang oras.
Nakaposisyon na ang mga checkpoint ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng entry points upang matiyak na hindi makakapuslit ang mga residente.
NAKALUSOT
Sa kabila na mahigpit ang pagbabantay at oras-oras na nagpapatrulya, aminado ang Agoncillo Police na nalulusutan pa rin sila ng ilang matitigas ang ulo na residente.
Bukod sa dalawang lalaki na may sinagip na mga baka at kambing, mayroon ding nasita ang mga pulis na isang sasakyan na may tatlong sakay na palabas ng Agoncillo matapos magpakain ng kanilang mga alagang hayop.
Ayon kay Police Captain Danilo Manalo, hepe ng Agoncillo Police, naharangan na nila ang lahat ng maaaring lagusan sa bayan pero may ilan na talagang gumagawa ng sarili nilang daanan.
LALONG LUMAKAS
Kinumpirma ng Phivolcs na mas malakas ang pagkulo ng tubig sa bunganga ng Bulkang Taal hanggang nitong Lunes ng umaga kumpara sa mga nakalipas na araw.
Ayon pa kay Phivolcs Director Undersecretary Renato Solidum, halos triple rin ang inilabas na sulfur dioxide ng Taal Volcano sa nakalipas na 24-oras na 4353 tonnes per day kumpara noong Sabado hanggang Linggo na 1442 tonnes kada araw.
Tinukoy rin ni Mariton Bornas ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ang pamamaga ng Volcano Island at paglubog sa hilagang-silangang bahagi ng isla.
Nangangahulugan umano ito na may magma pa rin sa ilalim ng Taal at senyales na maaaring sumabog. (CHRISTIAN DALE, JG TUMBADO, KIKO CUETO)
156