(NI AMIHAN SABILLO)
HANDA na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa bahagi ng Negros Oriental, sakaling magpalabas ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim ito sa batas militar.
Ito ang inihayag ni 3rd Infantry Division Commander Maj. Gen. Dinoh Dolina, na sila ay tatalima sa anumang ipag-utos ng nakatataas para sa pagprotekta at pagsunod sa mandato ng AFP.
Samantala, inamin naman ng opsiyal na mayroon talagang problema sa pamamayagpag ng New People’s Army sa Negros Oriental na dapat nang matuldukan dahil sila itinuturong nasa likod ng mga patayan.
Ang usaping martial law sa Negros bunsod ng sunud-sunod na patayan, ay kapwa hindi pa na-iendorso ng AFP at PNP sa Pangulo.
PATAY SA NEGROS PUMALO NA SA 20 SA LOOB LAMANG NG SAMPUNG ARAW
Umabot na sa 21 ang nasawi sa pamamaril sa bahagi ng Negros simula lamang ng nakalipas na July 18 hanggang July 28.
Base ito sa inilabas na datos ng Provincial Investigation and Detective Management Branch ng Negros Oriental Police, pinakamarami ang nasawi sa bayan ng Ayungon na umabot sa 7 na kinabibilanhan ng 4 na pulis at 3 sibilyan.
Habang 4 ang pinatay sa bayan ng Guihulngan kabilang na ang 2 opisyal ng Department of Education, 3 ang pinatay sa Canlaon kabilang na ang 1 konsehal at 1 dating mayor, pareho nang 2 ang pinaslang sa bayan ng Sta.
Catalina, Siaton at Zamboanguita, at 1 ang napatay sa Dumaguete.
Matatandaan na una nang sinibak ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang dating Provincial Director ng Negros Oriental na si Police Col. Raul Tacaca dahil sa hindi maresolbang kaso ng patayan.
197