AKLAN – Basag ang mukha at wala nang buhay nang matagpuan sa bangin ang isang lasing makaraang hatawin ng kawayan ng magbiyenan na pinagmumura umano ng biktima, iniulat nitong Martes ng umaga sa nabanggit na lalawigan.
Kinilala ang biktimang si Renato Tornino de Manuel, magsasaka, nasa hustong gulang at residente ng Sitio Binitinan, Oquendo, Balete.
Nadakip naman ang magbiyenang mga suspek na kinilalang sina Ruperto Modesto, 52-anyos, at Jinky Agudez, nasa hustong gulang, kapwa residente ng Sitio Hal-o, Oquendo, Balete.
Batay sa report ng Balete Police Station, dakong alas-7:00 ng umaga nitong Martes nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa may bangin ilang metro ang layo sa bahay ni De Manuel sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-8:00 ng gabi, nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at mga suspek hanggang sa pagsalitaan nang hindi maganda ni De Manuel ang magbiyenan.
Sa galit ng mga suspek, pinagtulungan nilang pinaghahampas ng kawayan sa mukha at iba pang parte ng katawan ang biktima hanggang sa mahulog sa bangin.
Matapos ang insidnete, umuwi sa kanilang bahay ang mga suspek at tila walang nangyari ngunit itinuro sila ng mga nakasaksi sa krimen.
Inamin naman ni Modesto na pinaghahampas nila ng kawayan si de Manuel hanggang sa mahulog sa bangin dahil sa inis nang sila ay pagmumurahin.
Nahaharap sa kasong pagpatay ang mga suspek. (ANNIE PINEDA)
170