Nakipagbarilan sa loob ng bahay TULAK SA CAVITE NAPATAY

CAVITE – Sa loob mismo ng kanyang bahay napatay ang isang hinihinalang tulak nang nakipagpalitan ng putok at tumakbo sa kanyang tirahan sa isinagawang buy-bust operation sa General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito.

Kinilala ang napatay na si Ramil Sandoval, tinatayang 35-40-anyos, ng Block 11, Lot 2, Brgy. San Jose, GMA, dahil sa tama ng bala sa kanyang katawan.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Dann Czar Rosales, ng GMA Municipal Police Station, dakong alas-9:30 noong Martes ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng GMA MPS, sa Brgy. San Jose, GMA, Cavite kung saan ka-transaksiyon ng poseur buyer ang suspek.

Ngunit sa kalagitnaan ng transaksiyon ay nahalata ng suspek na pulis ang kanyang kausap kaya tumakbo ito sa loob ng kanilang bahay.

Sinundan siya ng mga operatiba at pinasusuko ngunit putok ng baril ang kanyang itinugon dahilan upang gumati ang mga pulis na nagresulta sa kamatayan ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)

156

Related posts

Leave a Comment