(NI BERNARD TAGUINOD)
NANGANGAMBA ang isang militanteng mambabatas na may gumagawa umano ng senaryo sa Negros Oriental upang maisailalim umano ang Visayas region sa Martial law.
Ayon sa katutubong mambabatas na si Eufemia Cullamat, ng Bayan Muna party-list group, sinabi nito na hindi malayong isunod ang Visayas region sa Mindanao na nasa ilalim ngayon ng Martial Law.
“Nakalulungkot na mukhang hindi lang Mindanao ang target nilang may Martial law sa bansa pati ang Negros ay mukhang ginagawan ng scenario ng nga ahente ng gobyerno sa pagtindi ng mga patayan doon,” ani Cullamat.
Magugunita na sa loob ng 5 araw, simula noong Hulyo 23, ay 13 ang napatay sa Negros Oriental na labis na ikinabahala ng mga militanteng grupo sa Kamara kaya naghain ang mga ito ng resolusyon para paimbestigahan ito sa House committee on human rights.
Subalit, ayon Cullamat, mahigit 100 aktibista na umano ang napapatay sa Negros simula nang manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte subalit hindi kumikibo rito ang gobyerno.
“Mukhang tinutulak ng pulis na magdeklara ng Martial law sa lugar samantalang kung titimgnan sila naman at mga kasapakat nila ang nasa likod ng karamihan sa mga patayan,” ayon pa sa progresibong mambabatas.
Kailangan aniyang maging mapagbantay lalo na ang mga taga-Visayas region dahil hindi malayong isinunod ang kanilang rehiyon sa Mindanao na nananatiling nasa ilalim ng martial law.
“Saksi ang sambayanan, hindi solusyon ang martial law sa problema. Bagkus lalong lumala ang problema dahil hindi pa sila ang direktang biktima ng ito kundi kami ang mga pambansang minorya at mga progresibong grupo na nais lang magsilbi sa bayan,” ayon pa sa mambabatas.
335