P3-M SHABU NASABAT SA CAVITE BUY-BUST

CAVITE – Tinatayang mahigit sa P3 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam matapos maaresto ang isang hinihinalang tulak sa isinagawang buy-bust operation sa isang kilalang mall sa Bacoor City noong Huwebes ng umaga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng RA 9165 ang suspek na si alyas “Jalani”, 38, ng Brgy. 3, Nasugbu, Batangas.

Ayon sa ulat, dakong alas-10:00 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang puwersa ng Provincial Drug Enforcement Agency, Cavite Police Provincial Office (PPO), PDEA 41 RSET 1, at Bacoor City Police Station sa parking lot ng isang mall sa Bacoor na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si alyas “Jalani”.

Nakumpiska mula sa suspek ang brown paper bag na naglalaman ng 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P3,400,000, buy-bust money at isang itim na sasakyang Avanza na may plakang NDM 3332. (SIGFRED ADSUARA)

61

Related posts

Leave a Comment