DAVAO del Sur – Kinumpirma ng Municipal Health Office (MHO) sa bayan ng Magsaysay nitong lalawigan na mayroon nang isang residente sa kanilang lugar na nagpositibo sa coronavirus disease, na ika-17 na kaso sa buong probinsya.
Ibinunyag ni Dr. Arthur Navidad, MHO officer at chairman ng Magsaysay Inter-agency COVID-19 Task Force, ang lalaking pasyente ay nakasakay sa sweeper flight mula sa Manila noong Hunyo 10.
Kinilala ni Navidad bilang si Mr. D ang may-edad nang pasyente na dumating kasama ang dalawang iba pa sa sweeper flight, na hindi dumaan sa COVID-19 testing nang umalis sa Manila at dumating sa Davao City Airport.
Ang isang kasama nito ay diretsong umuwi sa kanilang lugar sa Brgy. Dolo sa karatig na bayan ng Bansalan, habang si Mr. D at kasama nito ay dumating sa kanilang border quarantine center dakong alas-9:00 ng gabi sa araw ding ‘yun.
Ayon kay Navidad, alas-8:30 ng umaga kinabukasan, isinailalim ang dalawa sa Rapid Diagnostic Test (RDT) at doon nalaman na si Mr. D ay nagpositibo sa immunoglobulin (IGG) habang negatibo naman si Mr. E.
Dagdag ng opisyal, sumailalim din sa swab test si Mr. D at ang specimen ay agad ipinadala sa Southern Philippine Medical Center (SPMC) sa Davao City.
Bandang alas-2:00 ng hapon noong Sabado, ipinakita ng rapid test sa polymerase chain reaction (PCR) na positibo nga ang pasyente sa COVID-19.
Sinabi ni Navidad, si Mr. D at kasama nito ay inilagay na sa isolation facility ng bayan para sa close monitoring.
Inabisohan naman ni Navidad ang mga mamamayan sa kanilang lugar na manatiling kalmado at palaging magsusuot ng facemask, tumupad sa 2-meters physical distancing, laging maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon at gumamit ng 70 percent solution alcohol upang hindi madapuan ng virus. (DONDON DINOY)
