PONDO SA TERORISMO GALING SA SMUGGLED YOSI

PINOPONDOHAN ang mga aktibidad ng mga armadong grupo sa Mindanao ng kita mula sa smuggled na sigarilyo na ang bulto ay nanggagaling Indonesia.

Kinumpirma ito ng isang regional security expert sa ginanap na forum sa Makati City na dinaluhan ng matataas na pinuno ng government security agencies.

Ibinunyag ni Professor Rohan Gunaratna ng Nanyang Technological University sa Singapore sa nakaraang forum na ginagamit ang multi-million na kita mula sa puslit na sigarilyo mula Indonesia ang operasyon ng mga terorista at rebolusyonaryong grupo sa Mindanao.

Sinabi pa ni Gunaratna, founder ng International Centre for Political Violence and Terrorism Research sa Singapore, kabilang ang Abu Sayyaf Group (ASG) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa mga grupong nakikinabang sa cigarette smuggling sa Mindanao.

Tinalakay ni Gunaratna ang koneksyon ng terorismo at cigarette smuggling sa forum na pinamagatang “Terrorism-Illicit Trade Nexus: A National Security Threat” sa PROTECT 2024 Conference na ginanap sa New World Hotel sa Makati City kamakailan.

Kabilang sa mga  tinalakay ang mga kasalukuyang geopolitical risks, violent extremism, climate change, cybersecurity at iba pang disruptive technologies.

Dumalo rin sa kumperensya sina National Security Adviser Eduardo M. Año at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., kasama ang mga kinatawan mula sa Embahada ng Indonesia sa Maynila.

Dagdag pa ni Gunaratna, ang Indonesia ay pangunahing pinagkukunan ng mga puslit na sigarilyong pumapasok sa bansa at milyun-milyong kita ang nawawala sa Pilipinas dahil dito.

Binanggit ni Gunaratna ang datos ng kalakalan mula sa Indonesia na nagpapakita na umabot ang export ng sigarilyo nito sa Pilipinas sa $137 milyon o halos P8 bilyon noong 2021. Ang export na ito ay hindi makikita sa datos ng import ng Pilipinas.

Hindi rin rehistrado sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga produkto at wala ring graphic health warnings, tax stamps at iba pang kinakailangang markings, ani Gunaratna.

Ipinapasok aniya ang mga puslit na sigarilyo sa pamamagitan ng mga daungan sa Palawan, Zamboanga, Sulu at Tawi-Tawi.

 

(JESSE KABEL RUIZ)

160

Related posts

Leave a Comment