TULOY-TULOY pa rin ang isinasagawang paghahalughog ng mga tauhan ng Philippine National Police-Police Regional Office 11 sa 30 ektaryang compound ng Kingdom of Jesus Christ sa pagsisikap na matunton at maisilbi ang warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy at apat na kapwa akusado nito.
Sa inilabas na updates ng PNP matapos ang ilang araw na law enforcement operation, nasa halos limampung porsyento pa lang ang nahahalughog na lugar sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
Ito ay matapos madiskubre ng mga awtoridad ang masalimuot na mga daan, mga pampasabog, at iba pang nakamamatay na mga armas sa loob ng compound sa nagpapatuloy na paghahanap sa puganteng leader ng sekta.
Iprinisenta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang videos na kuha sa naunang mga araw ng paghahanap kay Pastor Quiboloy.
Dito makikita ang mga lihim na lagusan, mga pasikot-sikot na structural designs ng gusali sa loob ng 30-hectare estate, may “secret passageway” patungo sa isang kwarto, at 42 gusali sa loob ng compound.
“This is now the secret door at dito ka ngayon papasok sa kuwartong ito. Nandiyan ang kuwarto ni Pastor Quiboloy. Liliwanagin ko lang, iilan lang ‘yan. Hindi lahat pwede namin ipakita, iilan lang ‘yang mga secret passage at ‘yung mga nakikita namin,” pahayag ni SILG Abalos.
Ipinakita rin nito ang video clips ng isa pang gusali na sumasailalim ngayon sa konstruskyon. Aniya pa, nakikipag-ugnayan na sila sa Davao City Engineer’s Office para madetermina ang lahat ng uri ng mga kwarto at daanan sa loob ng compound na nakadeklara sa construction plan na isinumite ng grupo.
“Bakit may mga ganitong construction? We are checking whether they declared or not declared at kung sakali man para alam namin kung saan kami lulusot dito. Nakakalito talaga. It’s a violation kapag hindi nakadeklara lahat ng intricate things na ginawa at binuo na pwedeng pagtaguan,” paliwanag ng kalihim.
Inakusahan din ni Abalos na naglagay ang mga taga-suporta ni Quiboloy ng barbed wires at live electrical wires sa loob ng compound. Ito ay matapos na madiskubre ang ilang molotov bomb cocktail at mga itak sa roof deck ng gusali.
“Mahirap ito. Nakita niyo ‘yung mga challenges na pinagdaanan ng ating kapulisan as of now,” pahayag niya.
Samantala, sinabi ni Police Regional Office (PRO) 11 (Davao) spokesperson Maj. Catherine Dela Rey na naniniwala sila na nasa compound pa rin si Quiboloy.
Nauna rito, pinasinungalingan ng PRO-11 ang lumabas na social media posts na bobombahin nito ang cathedral sa loob ng KOJC compound.
“We will never bomb or destroy your structure because we are not after the structure, we are not after the church, and we are not after the members. Implementing the warrant of arrest is our job, and we are ordered by the court to do so,” sinabi nito. (JESSE KABEL RUIZ)
36