SUNDALO NAG-RAMBO SA MILITARY CAMP, 3 PATAY

ISABELA – Agad nagpaabot ng pakikiramay ang liderato ng Philippine Army sa pamilya ng mga namatay sa malagim na pamamaril na kinasangkutan ng isang sundalo sa loob mismo ng Army 5th Infantry Division, Camp Melchor Dela Cruz, sa Brgy. Upi sa bayan ng Gamu sa lalawigan.

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang sundalong may ranggong sarhento ang kanyang sariling asawa, biyenan, at kanilang driver sa hindi pa malamang motibo.

Kinilala ang mga namatay na sina Erlinda Ajel, misis ng suspek, biyenan nitong si Lolita Ramos, at driver nilang si Rolando Amaba, pawang mga residente ng Benito Soliven, Isabela.

Kasalukuyan namang0 nakakulong sa lock-up facility ng Gamu Police Station ang suspek na si Sgt. Mark Angelo Ajel, nakatalaga sa 503rd Infantry Brigade, Calanan, Tabuk City, Kalinga.

“We, as a professional military organization, will not condone any wrongdoings and crimes committed by any of its personnel. We stand by our commitment to being a professional and disciplined organization that continuously strives to maintain and uphold the highest standards of conduct and integrity,” ayon sa inilabas na pahayag ng Philippine Army kahapon.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon, bandang alas-2:00 ng hapon noong Huwebes nang mangyari ang insidente. Habang nasa loob ng kampo ang isang sasakyan nang bigla na lang umanong makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga sundalo.

Agad itong nirespondehan at habang papalapit sa naturang sasakyan ay nakita ang supek na may hawak na baril kaya agad inaresto at pinosasan.

Samantala, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 9mm issued firearm ng suspek na ginamit sa pamamaril. (JESSE KABEL RUIZ)

104

Related posts

Leave a Comment