UMABOT na sa ilang bahagi ng Laguna at Cavite ang abo at maliliit na bato na ibinubuga ng bulkang Taal sa Batangas, Linggo ng hapon.
Inulan ng maliliit na bato, buhangin at abo ang mga lugar ng Tagaytay City, General Trias, Carmona, GMA, Silang at ilan pang kalapit na lugar sa lalawigan ng Cavite.
Gayundin ang northern portion ng Laguna, sa mga lungsod ng San Pedro hanggang Calamba City ay nagbagsakan na rin ang mga abo at buhangin na ibinubuga ng bulkan.
Maging ang hangin sa malalapit na lugar sa Taal Volcano ay amoy asupre at pulbura na umano.
Pinayuhan na rin ng mga awtoridad ang mga apektadong residente na magsuot ng face mask at huwag na ring lumabas ng kanilang bahay upang maiwasan ang makalanghap ng usok at abo.
Halos nagdilim na rin ang kalangitan sa mga nabanggit na lugar.
Dakong alas-5:00 ng hapon ngayon ay tuluyan nang nabalot ng makapal na usok ang buong isla ng Taal habang makikita rin ang pagguhit ng kidlat mula sa makapal na usok na inilalabas nito.
Umaabot na rin at tanaw na sa may bahagi ng lalawigan ng Quezon ang usok na nagmumula sa pagsabog. (NILOU DEL CARMEN)
347