POSIBLENG maging ‘ghost town’ ang tatlong bayan sa paligid ng bulkang Taal sa Batangas kasunod ng pagsabog nito kahapon ng tanghali matapos ang sunud-sunod na paglindol at pagbuga ng usok.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, dakong alas-11 ng umaga nang dumami ang naitalang volcanic earthquakes kasabay ng pagtaas ng tinatawag na steaming activities sa crater nito.
Umabot aniya ng isang kilometro ang taas ng pagsabog o phreatic eruption kaya’t minabuti nang itaas ang Alert Level 3 sa bulkang Taal.
Inirekomenda rin ng Phivolcs ang paglilikas sa mga residente sa isla sa gitna ng pag-aalburuto ng bulkan.
Sinabi ni Solidum na bagamat wala pang ebidensya na may magma, pinapayuhan ang mga taga-Taal at mga turista na huwag munang tumawid sa isla.
Ipinag-utos na ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pre-emptive evacuation ng mga residente sa isla ng bulkang Taal partikular sa tatlong bayan ng San Nicolas, Balete at Talisay.
Kaugnay nito ay nasa walong libong mga residente na malapit sa paanan ng bulkan ang sinikap mailikas kahapon. (JG Tumbado)
152