VENDOR ITINUMBA SA HARAP NG ANAK

CAVITE – Binaril at napatay ng riding in tandem ang isang 47-anyos na vendor sa harap mismo ng 10 taon gulang na anak nito, sa bayan ng Naic sa lalawigan, noong Huwebes ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si alyas “Roger”, may live-in partner, residente ng Brgy. Halang, Naic, Cavite habang hindi naman sinaktan ang bata.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek na magkaangkas sa isang blue and white na motorsiklong Yamaha Aerox, at tumakas makaraan ang pamamaril.

Ayon sa ulat, naglalakad ang mag-ama bandang alas-8:00 ng gabi sa Brgy. Halang, Naic, Cavite patungo sa kanyang ‘amo’ nang lapitan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril sa ulo ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril ay pinaharurot ng mga suspek ang motorsiklo at iniwang nakabulagta ang biktima sa tabi ng kanyang anak.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima bilang vendor ang motibo sa pagpatay. (SIGFRED ADSUARA)

80

Related posts

Leave a Comment