PROTEKTOR NG MGA SMUGGLER DAPAT PUNTIRYAHIN DIN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI lang ang smugglers ang hoarders ang dapat giyerahin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kundi ang kanilang mga protektor sa gobyerno, kung nais niyang magtagumpay sa idineklara niyang giyera sa economic saboteurs na ito.

Ang mafia ay nabubuo lang naman dahil sa kanilang mga koneksyon at kapit sa mga taong nasa kapangyarihan na sumasalo at tumutulong sa kanila pero kung ‘yung smugglers lang ang pupuntiryahin ay walang mangyayari dyan.

Maaaring mapatigil ang isang smuggler sa kanyang ilegal na aktibidad pero may papalit sa kanya dahil ang kanilang mga protektor ay nandyan pa rin na maaaring mag-alok ng kanilang serbisyo kaya dapat isama ang mga ito sa mga pupuntiryahin.

Alam ng mga taga gobyerno kung sino ang mga smuggler kaya kapag may nagpakitang gilas ay agad nilang natutunton kung saan nakatago ang smuggled goods ‘di ba? Ibig sabihin, may timbre na sa itaas bago pumasok ang mga epektos na ipupuslit sa bansa at kapag may gustong magpabango ng pangalan ay isinasakripisyo ang kalakal at hindi ang mga smuggler mismo.

Saka dapat walang harangan kapag nagkaroon na ng imbestigasyon sa mga taong inaakusahang smugglers na may matinding koneksyon mismo sa Malacañang, tulad ng kaso ng isang Michael Ma na isa sa mga nais ipatawag ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing, dahil nasasangkot ang mga pangalan nila sa smuggling activities sa bansa.

Inatras ng House Committee on Ways and Means chairman, Rep. Joey Salceda ang imbestigasyon sa hindi malamang kadahilanan at sa halip ay itinuloy na lang ng House Committee on Agriculture ang pag-iimbestiga sa hoarding activities ng grupo ni Leah Cruz sa sibuyas.

Walang makapagsasabi kung anong magic ang nangyari kung bakit hindi na itinuloy ang pagpapatawag kay Michael Ma pero ang taong ito ay ibinuking ni Ramon Tulfo na konektado sa kapatid ni First Lady Liza Araneta Marcos na si Martin Araneta.

Ayon kay Tulfo, vice president si Martin Araneta sa China-Philippine United Enterprises (CPUE) kung saan pangulo si Ma, kaya may ideya na ang mga tao bakit hindi itinuloy ang imbestigasyon kahit pa sabihin ng Malacañang na hindi sila nakikialam.

Ngayon, kaya bang isakripisyo ng Marcos administration ang mga nagbibigay ng proteksyon sa smugglers? Kung kaya, siguradong magtatagumpay ang kampanya laban sa mga smuggler pero kung hindi ay mananatiling soundbites na lang ‘yang giyera na ‘yan.

Saka dapat ding atasan ni Marcos ang mga ahensya ng gobyerno na lakasan ang mga kasong isasampa laban sa mga smuggler dahil hanggang ngayon ay wala pa ring kahit isang smuggler ang nakukulong kahit lumabas sa imbestigasyon ng Kongreso na malinaw na malinaw na nagkaroon ng smuggling.

Sa isang panukalang batas sa Kongreso, nabanggit na mula 2018 hanggang Enero 2023, umabot sa 152 ang kaso ng smuggling na naisampa sa Department of Justice pero 20 lamang ang inakyat ng DOJ sa Korte habang ang natitirang 132 ay nasa preliminary investigation stage pa lamang.

Wala pang nadedesisyunang sa 20 kaso sa korte at nasa PI stage pa lamang ang 123, parang may pagkukulang sa panig ng DOJ, kaya talagang lumalakas ang loob ng mga smuggler dahil siguradong hindi naman sila makukulong.

412

Related posts

Leave a Comment